BINANATAN ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson laban kay Palace Communications Office Undersecretary Claire Castro, matapos umano nitong maglabas ng mga maling paratang laban sa kanya.
Sa panayam, kinuwestiyon ni Singson ang asal ni Castro bilang opisyal ng Malacañang, na tinawag pa niyang parang “attack dog.”
“Yung spokesperson ng Malacañang, USec. Claire Castro — ganon ba kababa ang spokesperson ng Malacañang? Naging parang ‘attack dog’ dahil kung umasta, magsalita, parang ‘attack dog’… ang pagsasalita mo para kang ‘attack dog.’ Alam mo ba kung ano ‘yon? Pag nakaamoy ng pera, kakagat,” matapang na pahayag ni Singson.
Mariin ding itinanggi ni Singson ang mga akusasyon laban sa kanya at iginiit na wala itong batayan.
“Tandaan niyo po ito, isa lang ang salita ko. Pag may totoo sa panira nila, magpapakulong ako. Magsalita kayo ng totoo para paniwalaan kayo ng tao. Wala kayong isang salita eh,” giit ng dating gobernador.
Hindi pa naglalabas ng pahayag si Castro o ang Presidential Communications Office (PCO) kaugnay ng mga patutsadang ito mula kay Singson.
