Kasunod ng marahas na kaguluhan sa Indonesia at Nepal, posible kayang mangyari rin ito sa Pilipinas, lalo na sa gitna ng malawakang korapsyon na nagaganap sa ating bansa?
Noong Biyernes, Setyembre 12, naglabas ng joint statement sina Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro at AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na mariing tinutulan ang panawagan ng ilang grupo na umatras ang militar ng suporta sa gobyerno.
“We reject all attempts to patronize the AFP… The AFP abides by the Constitution,” giit ng dalawang opisyal.
Bagama’t maliit umano ang tsansa ng isang matagumpay na “people power” ayon sa isang ulat ng Associated Press, dahil kinakailangan pa rin ng basbas ng ilang key military groups, sunod-sunod na protesta ang nakatakdang isagawa sa mga darating na linggo.
Kabilang dito ang transport strike sa Setyembre 18 at ang tinaguriang “Trillion Peso March” sa Setyembre 21.
Muling binubuksan ng sitwasyon ang alaala ng mga nagdaang pag-aaklas (mula sa EDSA 1 at 2) hanggang sa bigong “EDSA Tres” noong 2001.
Sa kabila ng malalaking pagkilos, hindi pa nakapagtala ng marahas at madugong riot ang Pilipinas tulad ng nangyari sa Nepal at Indonesia.
Sa Indonesia, sampung katao ang nasawi sa protesta laban sa katiwalian at kawalan ng hustisya. Sa Nepal, higit 70 ang napatay matapos ang serye ng rally na pinatindi ng social media ban at #NepoBaby scandal.
Naniniwala si DILG Secretary Jonvic Remulla na hindi aabot sa riot ang sitwasyon sa bansa.
“Ang mga Pilipino naman, hindi ganyan. Even at our worst, hindi tayo nanununog ng lugar… Pero siyempre, we will be prepared,” aniya.
Gayunman, nananatiling bantay-sarado ang gobyerno sa posibilidad na masangkot ang Iglesia Ni Cristo (INC) o ang pinklawan youth groups na muling lumalakas matapos ang 2025 midterm elections.
Kung paanong hahawakan ng administrasyong Marcos Jr. ang mga protesta ang magtatakda kung mananatili ang bansa sa tradisyon ng mapayapang people power o mauuwi sa kaguluhan tulad sa Indonesia at Nepal.
