Si First Lady Liza Araneta-Marcos, kasama sina Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, San Juan City Mayor Francis Zamora at iba pang opisyal ng lungsod, habang pinagmamasdan ang tradisyonal na kasuotang Pilipino sa pagbubukas ng Linggo ng Kasuotang Pilipino Exhibit sa San Juan City Hall Atrium nitong Lunes, Setyembre 15, 2025. Bahagi ito ng 2025 Tourism Month Celebration ng lungsod at bukas sa publiko hanggang Setyembre 20. (Kuha ni ART TORRES)
IPINAMALAS ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang sining, pagbabago, at walang kupas na kagandahan ng kasuotang Pilipino sa pagbubukas ng Linggo ng Kasuotang Pilipino Exhibit nitong Lunes, Setyembre 15, sa San Juan City Hall Atrium.
Pinangunahan nina Mayor Francis Zamora at First Lady Liza Araneta-Marcos ang pagtitipon, kasama si Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, San Juan City Rep. Bel Zamora, at iba pang opisyal ng lungsod.
Ayon kay Zamora, layunin ng exhibit na itampok ang kultura at pagkakakilanlan ng mga San Juaneño at ng sambayanang Pilipino, at umaasa siyang maipalaganap ito sa iba’t ibang panig ng bansa bilang bahagi ng pagpapalakas ng heritage tourism at pambansang pagmamalaki.
Tampok sa exhibit ang mga tradisyonal na kasuotang Pilipino na isinuot ng kilalang personalidad sa politika, pageantry, at showbiz.
Ilan dito ang barong at gown nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos na ginamit sa ika-128 anibersaryo ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal; ang gown na isinuot ni Secretary Frasco na dinisenyo ni Furne Amato; barong at Filipiniana gown nina Mayor Zamora at Keri Zamora mula sa kanyang unang inagurasyon; gown ni Rep. Bel Zamora mula sa 2023 SONA na gawa ni Paul Cabral; ang “Pearls Gown” ni Michael Leyva na sinuot ni Heart Evangelista; at barong ni Dingdong Dantes na dinisenyo ni Ziggy Savella para sa 75th Station ID ng GMA.
Kasama rin sa mga tampok ang mga obra nina Jot Losa, Chynna Mamawal, Ehrran Montoya, Joe Fojas, Noel Crisostomo, at Daryl Maat, kabilang ang mga malikhaing padpaper barong.
Ilan sa mga kasuotan mula sa seryeng Maria Clara at Ibarra ay isinama rin upang ipakita ang kontribusyon ng programa sa muling pagbuhay ng interes sa kasaysayan at pamana ng Pilipinas, lalo na sa kabataan.
“Ang Linggo ng Kasuotang Pilipino Exhibit ay higit pa sa pagpapakita ng magagandang damit. Isa itong pagdiriwang ng ating kasaysayan, husay, at pambansang dangal,” ani Zamora.
“Sa pamamagitan nito, nais naming hikayatin ang mas malalim na pagpapahalaga sa ating pamana at kilalanin ang San Juan bilang sentro ng kultura at turismo.”
Ang exhibit ay bukas hanggang Setyembre 20.
