Isang linggo matapos pumanaw ang batikang fashion icon na si Giorgio Armani sa edad na 91, isinapubliko nitong Huwebes ang kanyang huling habilin kung saan nakasaad ang hatian ng kanyang tinatayang $9.6 bilyong kayamanan at ang plano para sa kinabukasan ng kanyang tanyag na fashion empire.
Bago siya pumanaw noong Setyembre 4, hawak ni Armani ang 99.9% ng shares ng kanyang kumpanya, habang nasa Armani Foundation ang natitirang 0.1%. Batay sa kanyang testamento, inatasan ang kanyang mga tagapagmana na ipagbili ang 15% ng kumpanya sa loob ng 18 buwan, kung saan tatlong higanteng grupo ang tinukoy bilang posibleng bumili: LVMH ni Bernard Arnault, L’Oréal, at EssilorLuxottica.
Sa loob ng limang taon, obligado namang ipagbili ng mga tagapagmana ang karagdagang 30% hanggang 54.9% stake sa parehong mamimili o kaya’y dalhin ang kumpanya sa stock market, habang mananatili muna itong hawak ng pamilya at pinakamalapit na tagapayo ni Armani.
Sa hatian, Pantaleo Dell’Orco, matagal nang kanang-kamay ni Armani, ay makakakuha ng 30% stake at siya rin ang mamumuno sa proseso ng pagbebenta. Ang Armani Foundation ay tataas sa 10% shares, habang ang natitirang 60% ay paghahatian ng kapatid ni Armani na si Rosanna Armani (86), ang kanyang pamangkin na si Andrea Camerana (55), at mga pamangkin mula sa kanyang yumaong kapatid na si Sergio na sina Silvana (69) at Roberta Armani (54).
Dahil sa yaman na naiwan, tinatayang lahat ng limang tagapagmana ni Armani ay naging bilyonaryo, ayon sa Forbes.
Pinakamayaman si Dell’Orco na may $2.3 bilyon, kasunod si Silvana na may $1.1 bilyon, habang tig-$1 bilyon naman ang halaga ng yaman nina Rosanna, Roberta, at Andrea.
Maliban sa kumpanya, ibinahagi rin ni Armani ang kanyang malawak na real estate empire, kabilang ang mga bahay sa Milan, Paris, New York, St. Moritz, Saint-Tropez, Antigua, at iba pa.
Ang ilan sa kanyang mga mahalagang obra at koleksyon ay partikular na inilaan sa bawat kamag-anak.
Hindi rin nakalimutan ni Armani ang kanyang matapat na mga tauhan.
Si Michele Morselli, pinuno ng kanyang real estate firm, ay nakatanggap ng 100,000 shares sa EssilorLuxottica na nagkakahalaga ng $30 milyon, bukod pa sa $38 milyon sa Italian government bonds.
May mga gantimpala ring ibinigay sa iba pang opisyal ng Armani.
Bagama’t hindi na maitatangging isang yugto ng kasaysayan sa fashion ang natapos sa kanyang pagpanaw, tiniyak ng testamento ni Armani na ang kanyang pangalan at kumpanya ay magpapatuloy, kung mananatili sa pamilya, ipa-public, o maging bahagi ng isa pang luxury empire.
