Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga lider ng Pagkakaisa ng Users, Stakeholders at Obrero ng NAIA (Puso ng NAIA) sa harap ng Asian Development Bank (ADB) sa Pasig City upang kondenahin ang papel ng institusyon sa kontrobersyal na NAIA-NNIC concession agreement. Ayon sa grupo, ang kasunduan ay magpapapasan ng gastusin sa modernisasyon ng paliparan sa mga manlalakbay sa pamamagitan ng malaking pagtaas ng singil at bayarin. (Kuha ni ART TORRES)
MARIING nanawagan ang ilang lider ng Simbahang Katolika na ipatigil ang ipinatupad na dagdag-singil sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na kanilang tinawag na “anti-people at hindi makatarungan.”
Sa isang misa para sa “guidance, truth, and accountability” na dinaluhan ng mga manggagawa at pasahero, pinangunahan nina Bishops Ben Labor, Aldrin Lleva, at Agustino Tangca ang panawagan sa Department of Transportation (DOTr) at New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) na ipagpaliban muna ang koleksiyon ng mga bagong bayarin.
“Ang NAIA ay dapat magsilbi para sa kapakanan ng pasahero, manggagawa at maliliit na negosyo, hindi para lamang sa iilang makapangyarihang korporasyon,” pahayag ni Bishop Labor.
Ayon sa mga obispo, ipinataw ang dagdag-singil nang walang “genuine at inclusive consultation” sa lahat ng sektor ng aviation industry. Binigyang-diin nila na mas lalong mabibigatan ang ordinaryong Pilipino at mga OFW na araw-araw nang nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya.
Nanawagan din sina Bishops Lleva at Tangca sa Korte Suprema na “temporaryong i-freeze” ang lahat ng dagdag-bayarin habang hindi pa malinaw kung saan napupunta ang mga koleksiyon mula sa travel tax, parking fee, stall at office rentals, airline runway usage, at ticket charges.
Samantala, tiniyak ng grupong PUSO ng NAIA, na siyang nag-organisa ng misa, na ipagpapatuloy nila ang laban laban sa dagdag-bayarin.
“Pinalakas kami ng suporta ng ating mga obispo. Nawa’y pakinggan kami ng NNIC at ng may-ari nito na si Mr. Ramon Ang,” ani Romy Sauler, head secretariat ng grupo.
Sa pagtitipon, sabay-sabay na nagkaisa ang simbahan, manggagawa, pasahero, at mga komunidad upang ipakita ang pagtutol sa dagdag-singil na nakikita nilang bahagi ng privatization na taliwas sa interes ng publiko. (ART TORRES)
