Arestado ang isang lalaki matapos tangayin ang humigit-kumulang P1.9 milyong halaga ng mga photographic at audiovisual equipment mula sa isang home studio sa Barangay Bagong Silang, Mandaluyong City.
Nadakip ang suspek na nakilala lamang sa alyas na “WINREN,” 38-anyos at isang construction worker, sa isinagawang manhunt operation ng Mandaluyong City Police Station sa ilalim ng Eastern Police District (EPD).
Nalaman ang insidente noong tanghali ng Oktubre 8, 2026, sa tahanan ng isang 51-anyos na litratista. Batay sa paunang imbestigasyon, pumasok ang suspek sa storage room sa pamamagitan ng nakabukas na bintana at mabilis na tinangay ang mga kagamitan bago tumakas.
Sa ginawang follow-up operation ng mga tauhan ng Intelligence Unit, Warrant Section, Sub-Station 7, at Criminal Investigation Unit, matagumpay na natukoy at nadakip ang suspek.
Nababawi mula sa kaniya ang ilang naitakbong kagamitan tulad ng tatlong Profoto B10x Plus, isang Hasselblad 503CX camera, Profoto Connect Plus, mga ekstrang baterya, Hollyland Venus Liv Air, Hollyland Pyro at Accsoon transmitters, Bose speaker, at isang digital camera back.
Gayunman, ayon sa ulat ng pulisya, sira ang ilan sa mga nabawing gamit habang kulang naman ang bahagi ng digital camera back.
Dinala muna ang suspek sa Mandaluyong City Medical Center para sa medical examination bago pormal na ipinasa sa custodial facility ng Mandaluyong CPS.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kaukulang kasong kriminal para sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor ng lungsod.
Pinuri ni Police Brigadier General Roman C. Arugay, District Director ng EPD, si Police Colonel Reynan V. Patam at ang buong Mandaluyong CPS sa mabilis at epektibong aksyon.
Binigyang-diin ni PBGen Arugay na ang matagumpay na huli ay babala sa mga nagbabalak gumawa ng krimen na hindi sila makakatakas sa batas, sabay panawagan sa publiko na manatiling alerto at mag-ulat ng anumang kaduda-dudang gawain sa kanilang pamayanan.
