May saklaw at awtoridad ang korte na utusan ang mga bangko na ipaliwanag ang mga transaksyon at deduction sa account ng isang pumanaw na indibidwal upang matukoy ang tumpak na halaga ng naiwang ari-arian (estate).
Ito ang binigyang-diin ng Third Division ng Supreme Court sa kaniyang desisyon noong Hulyo 7, 2026, na isinapubliko kahapon, kung saan pinalaboran nito ang mga tagapamahala ng ari-arian (estate administrators) ng pumanaw na dating kinatawan ng Negros Occidental na si Ignacio “Iggy” Arroyo.
Umakyat sa Kataas-taasang Hukuman ang usapin kasunod ng hindi maipaliwanag at sinasabing anomalyang pag-withdraw ng pondo sa mga account ni Arroyo sa Union Bank of the Philippines matapos siyang pumanaw noong Enero 2012 nang walang kaalaman ang kaniyang mga tagapagmana.
Sa siyam na pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Henri Inting, pinagtibay ng Korte Suprema ang mga naunang desisyon ng Court of Appeals (CA) at Quezon City Regional Trial Court (RTC).
Inatasan ng korte ang Union Bank na magsumite ng mga rekord at ipaliwanag ang palitan ng email sa pagitan ng mga opisyal nito at ng isang abogado kaugnay ng mga ginawang bawas.
Iginiit ng Union Bank na isinagawa ang mga pag-withdraw sa ilalim ng isang survivorship agreement upang bayaran ang mga natitirang obligasyon ni Arroyo.
Gayunman, kinuwestiyon ito ng dalawa sa mga pormal na administrator ng kaniyang estate, ang hiwalay na asawa ni Arroyo na si Alicia Rita at ang kaniyang anak na si Bianca.
