Muling nagkaroon ng moderately explosive eruption ang Bulkang Kanlaon nitong Sabado, Oktubre 10, na nagbuga ng makapal na ash plume sa ibabaw nito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa inilabas na payo ng PHIVOLCS, nagsimula ang pagputok bago mag-12:30 ng tanghali at tumagal hanggang 12:48 ng hapon.
Nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon, na nagpapahiwatig ng patuloy at tumataas na volcanic unrest.
Dahil sa panibagong aktibidad ng bulkan, hinimok ng mga lokal na pamahalaan sa paligid ng Kanlaon ang mga residente na manatiling alerto at sundin ang mga alituntunin sa kaligtasan.
Samantala, mahigpit na ipinagbabawal ng mga awtoridad ang pagsok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at iba pang limitadong lugar sa paligid ng bulkan.
Sakaling makaranas ng ashfall, pinag-iingat din ang mga residente na magsuot ng face mask at protective eyewear para sa kanilang proteksyon.
Bukod dito, pinapayuhan ang lahat na manatili muna sa loob ng tahanan at panatilihing nakasara ang mga pinto at bintana upang maiwasan ang masamang epekto ng abo sa kalusugan.
