Sumagot ang Malacañang at ang House prosecution panel sa pahayag ni Second Gentleman Atty. Manases “Mans” Carpio na ginagawa siyang “collateral damage” sa isinasagawang impeachment trial laban sa kaniyang asawa na si Bise Presidente Sara Duterte.
Sa isang panayam nitong Sabado, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na sasamahan nila si Carpio sa pananalangin na lumabas ang katotohanan.
“Tulungan natin magdasal si Mans Carpio. ‘Yan ang gusto nating lahat ng Pilipino — magdasal para lumabas ang katotohanan kasi maraming nabubulag ngayon. Pero kung magdasal tayo, dapat sa totoong Diyos,” pahayag ni Castro.
Isinagawa ng Palasyo ang pahayag matapos sabihin ni Carpio noong Huwebes na nagdarasal lamang sila na matapos na ang mga usapin.
Iginiit din ni Carpio na ginagamit ng pamahalaan ang lahat laban sa kanila dahil “wala silang makita kay Sara.”
Binigyang-diin naman ng Palasyo na walang ginagawang pagtatakip si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at imbestigahan ang sinuman—kaibigan man, kamag-anak, o kaalyado—kapag may nakitang ebidensya ng anomalya.
Sumiklab ang tensiyon matapos mag-testify sa Day 37 ng impeachment trial ang financial forensic analyst na si Alexander Cabrera, kung saan natuklasan sa kaniyang pagsusuri na may hindi maipaliwanag na yaman at hindi naideklarang ari-arian sina VP Duterte at Carpio na nagkakahalaga ng P817.87 milyon.
Ipinaliwanag ng House prosecution panel na hindi maihihiwalay si Carpio sa usapin dahil binigyang-diin ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na sa kawalan ng prenuptial agreement, ang pagmamay-ari ng bawat isa sa mag-asawa ay itinuturing ding pag-aari ng kabilang kampo.
Idinagdag naman ni prosecution spokesperson Ace Barbers na kaya marahil nararamdaman ni Carpio na collateral damage siya ay dahil hindi siya isang pampublikong opisyal, ngunit hindi pa rin maiiwasang maapektuhan siya sa mga legal na usaping kinakaharap ng kaniyang asawa.
Samantala, sinabi ng defense counsel na si Atty. Michael Poa na nakahanda silang harapin at kuwestiyunin ang mga figure na inilabas ng prosecution sa pamamagitan ng cross-examination.
