Inilunsad ng Laguna Water ang mas pinalawak na pagpapatupad ng kanilang educational na programang “Daloy ng Saya” sa iba’t ibang paaralan bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang ika-17 anibersaryo.
Mas maagang isinagawa ang naturang inisyatibo ngayong taon upang mas marami pang mag-aaral ang maabot at maturuan ukol sa wastong paggamit ng tubig, tamang sanitasyon, at paghahanda sa banta ng El Niño.
Naging posible ang mas malawak na sakop ng programa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Laguna Water sa Sangguniang Panlalawigan ng Laguna, sa pangunguna ni Vice Governor Magtangol Jose “JM” Carait III at ng mga Board Member mula sa iba’t ibang distrito ng lalawigan.
Dahil sa kooperasyong ito, higit sa 500 mag-aaral ang nabigyan ng kaalaman ukol sa responsableng pangangalaga sa mga likas na yaman.
Inihayag ni Laguna Water General Manager Constantine O. Uy ang kanyang kagalakan sa pakikipag-partner sa pamahalaang panlalawigan.
Aniya, ang pag-abot sa mga kabataan sa mas maagang panahon at sa mas maraming komunidad ay isang mahalagang hakbang upang mabigyan ang susunod na henerasyon ng tamang kaalaman at pagpapahalaga na kinakailangan upang maging matuwid na tagapangalaga ng kalikasan at ng supply ng tubig.
Sa paunang bahagi ng programa, pinangunahan ng mga volunteer employee ng Laguna Water ang sampung sesyon na ginanap sa mga pampublikong paaralan sa mga lungsod ng Santa Rosa, Biñan, Cabuyao, Calamba, at San Pedro, pati na rin sa mga bayan ng Los Baños at Calauan.
Inaasahang magpapatuloy pa ang mga susunod na sesyon sa iba pang paaralan at pamantasan sa buong lalawigan sa mga darating na buwan sa pakikipagtulungan sa Tanggapan ng Gobernador.
Kabilang sa mga tinalakay sa information, education, and communication (IEC) sessions ang mga praktikal na paraan upang makatipid sa tubig at maiwasan ang pag-aaksaya nito.
Hinimok din ang mga mag-aaral na maging aktibong tagapagtanggol ng kalikasan sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng mga sirang tubo o leak sa kanilang mga tahanan at paaralan bilang paghahanda sa epekto ng tagtuyot.
Ang “Daloy ng Saya” ay isa lamang sa mga inisyatibo ng Laguna Water, isang public-private partnership sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna at Manila Water Philippine Ventures, upang patatagin ang water security sa lalawigan.
Mula noong 2009, nagawa ng kumpanya na mapanatili ang 23.8% na water buffer sa pamamagitan ng pagbuo ng mga bagong pagkukunan ng tubig, pagsasaayos ng mga linya ng tubo, at pagpapatupad ng mga nature-based solution para sa proteksyon ng mga watershed area.
