MATAGUMPAY na natapos ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang tatlong-araw na First Surveillance Audit para sa ISO 9001:2015 Quality Management System (QMS) na isinagawa ng TÜV Rheinland Philippines mula Oktubre 6 hanggang 8, 2026, nang walang natukoy na anumang nonconformity sa mga itinakdang pamantayan.
Sa pangunguna ni G. Luisito Soriano, kasama ang external auditors at technical experts mula sa TÜV Rheinland Philippines, covered ang pag-audit sa 45 na departamento, opisina, at yunit sa anim na QMS site ng Pamahalaang Lungsod.
Matapos nito, pinagtibay ng TÜV Rheinland Philippines team ang patuloy na pagpapanatili ng ISO 9001:2015 Certification ng Pamahalaang Lungsod, habang binabanggit ang positive observations and opportunities for improvement upang higit pang palakasin ang pagpapatupad ng Quality Management System nito.
“Ang tagumpay na ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng ating mga departamento at kawani upang mapanatili ang kalidad ng ating mga serbisyo. Ito ay patunay na ang ating mga serbisyo ay epektibo, nararamdaman ng ating mga kababayan. Patuloy nating pagbubutihin ang ating mga proseso upang matiyak na maayos, episyente, at maaasahan ang paglilingkod natin sa bawat Malabueño,” ani Mayor Jeannie N. Sandoval.
Binigyang-diin din ni City Administrator Dr. Alexander T. Rosete ang kahalagahan ng pagpapanatili sa QMS ng Pamahalaang Lungsod sa pamamagitan ng pare-parehong pagpapatupad ng mga itinakdang pamantayan at patuloy na pagpapabuti sa lahat ng tanggapan.
“Ang pagkilalang ito ay nagsisilbing inspirasyon upang patuloy nating paghusayin ang ating mga sistema at proseso sa pamahalaan. Nawa’y maging inspirasyon din ito sa ating mga kapwa Malabueño na patuloy na magsikap at makiisa sa pagsusulong ng isang mas maayos, episyente, at dekalidad na serbisyo para sa ating lungsod,” dagdag ni Dr. Rosete.
Ang Quality Management Office (QMO), sa pangunguna ni G. Jeffrey Benesisto, ang nanguna sa koordinasyon at pagpapatupad ng QMS ng Lungsod, sa pakikipagtulungan sa mga pinuno ng departamento, mga may-ari ng proseso, ISO focal persons, at mga empleyado sa buong proseso ng pag-audit.
Unang nakamit ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang ISO 9001:2015 Certification nito noong Setyembre 2025 kasunod ng mga paghahanda at koordinadong pagsisikap na magtatag at magpatupad ng isang Quality Management System na nagtataguyod ng pare-parehong paghahatid ng serbisyo, pananagutan, at patuloy na pagpapabuti sa mga tanggapan nito.
Ang matagumpay na pagkumpleto ng surveillance audit noong Oktubre 2026 ay sumasalamin sa kolektibong pangako ng pamunuan at mga manggagawa ng Pamahalaang Lungsod sa pagpapanatili ng mga pamantayan ng kalidad, pagpapalakas ng mga proseso ng organisasyon, at patuloy na pagpapabuti ng paghahatid ng mga serbisyong pampubliko. Ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon ay nananatiling nakatuon sa pagpapaunlad ng isang kultura ng kalidad, pananagutan, at kahusayan sa paglilingkod sa bawat Malabueño. JUVY LUCERO
