Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board IV-A (RTWPB-IV-A) ang panibagong taas-sahod na hanggang P45 kada araw para sa mga minimum wage earner sa Rehiyon IV-A, na magiging epektibo simula Oktubre 26, 2026.
Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Sabado, Oktubre 10, na ang naturang wage adjustment ay magbibigay ng karagdagang humigit-kumulang P1,170 sa buwanang kita ng mga kwalipikadong manggagawa, batay sa 26 na araw ng pagtatrabaho.
Makinabang sa dagdag-sahod ang mga minimum wage earner sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon, bagama’t nakasalalay pa rin ang eksaktong halaga sa kategorya ng industriya at lokasyon ng pinaglilingkurang kumpanya.
Ibinaba ang bagong probisyon kasunod ng serye ng mga regional consultation at public hearings na dinaluhan ng mga kinatawan ng sektor ng paggawa, mga employer, at mga ahensya ng pamahalaan.
Bago ang bagong atas, naglalaro sa ₱P08 hanggang P600 ang pang-araw-araw na minimum wage sa rehiyon sa ilalim ng Wage Order No. IVA-22.
Inaasahang makikinabang sa naturang pagtaas ang mga manggagawa sa iba’t ibang sektor, kabilang ang industriya ng manufacturing, agrikultura, retail, logistics, at iba pang larangan ng serbisyo.
Isinagawa ang wage adjustment upang matulungan ang mga manggagawa na makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang gastusin sa bahay.
Ayon sa DOLE, obligado ang lahat ng sakop na employer na sundin ang bagong talatakdaan ng sahod sa oras na pormal na itong maging epektibo sa huling bahagi ng buwan.
Lalabas ang pinal na detalye ng magiging kaukulang rate para sa bawat sektor at geographical classification sa opisyal na probisyon ng wage order.
