Nagpasalamat si Bise Presidente Sara Duterte sa kaniyang mga tagasuporta para sa kanilang patuloy na pagtitiwala sa gitna ng mga kinakaharap niyang legal na pagsubok.
Humarap si Duterte sa kaniyang mga tagasuporta na nagtipon sa Quezon City Hall of Justice kahapon, Oktubre 9, bago ang nakatakda sanang pagbasa ng sakdal (arraignment) laban sa kaniya sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) para sa three counts na kasong grave threats.
Gayunman, muling naipagpaliban ang arraignment matapos isaalang-alang ng korte ang nakabinbing motion for partial reconsideration ad cautelam ng kaniyang legal team, pati na ang kaniyang petisyon para sa certiorari sa Korte Suprema.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga supporters na pumunta dito ngayong umaga na ito, at siyempre sa maraming mga kasama natin na nanonood sa social media, sa buong mundo at sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas,” pahayag ni Duterte sa mga mamamahayag matapos ang kaniyang pagharap sa korte.
“Kasi patuloy ang inyong suporta, pagtitiwala kahit sa maraming pagsubok na dinadaanan ng mga kasamahan ko at ako.”
