Nagbitiw na sa kaniyang pwesto si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Sabado, Oktubre 10.
Sa kaniyang pag-guest sa programang Executive Session sa DZRH, kinumpirma ni Remulla na tinanggap na rin ng Malacañang ang pagbibitiw ng kalihim.
“Nag-resign. Tinanggap na ‘yung resignation,” pahayag ni Remulla nang tanungin ukol sa estado ni Aguda sa kawanihan.
Bago ang kumpirmasyon, itinanggi pa ni Aguda noong Miyerkules, Oktubre 7, ang mga balitang siya ay nagbitiw.
Aniya, batid niya ang mga espekulasyon ngunit patuloy pa rin siyang naglilingkod bilang kalihim ng DICT.
Inabot ng matinding pambabatikos ang DICT nitong nakalipas na mga linggo dahil sa paghihigpit sa ilang online platforms. Pinalala ito ng desisyong ipagbawal ang app na Discord, na pinalagan ng mga regular na gumagamit nito at ng mga online worker.
Kasalukuyan pang kinukunan ng pahayag at kumpirmasyon si Aguda hinggil sa kaniyang pagbibitiw.
