Magpapadagdag ng pasanin sa badyet ng mga tahanan ang nalalapit na pagtaas ng singil sa kuryente matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang kauna-unahang pagtaas sa distribution rate ng Manila Electric Co. (Meralco) sa loob ng 15 taon.
Inaprubahan ng ERC ang bagong average distribution rate na P1.48 kada kilowatt-hour (kWh) mula sa kasalukuyang P1.35 kada kWh, isang pagtaas na humigit-kumulang 13 sentimo.
Gayunman, wala pang malinaw na pahayag ang Meralco at ang regulatory board hinggil sa eksaktong epekto nito sa pinal na residential rate at kung kailan ito opisyal na maipapatupad sa mga buwanang bill ng mga consumer.
Bago pa man ang ibinabang desisyon, pumalo na sa P14.7424 kada kWh ang kabuuang residential rate ng Meralco noong Setyembre. Ang ibig sabihin nito, ang isang pamilyang kumukonsumo ng 200 kWh ay nagbabayad na ng humigit-kumulang P2,950 kada buwan.
Ang distribution charge ay isa lamang sa mga bahagi ng bill sa kuryente—kasama ang generation, transmission, tax, at iba pang bayarin—ngunit ito ang porsyentong direktang napupunta sa Meralco para sa operasyon at kita nito.
Huling nasuri ang singil sa distribusyon ng Meralco noong 2011 at pormal na na-freeze noong 2015 dahil sa mga pagkaantala ng pagsusuri sa mga nakaraang administrasyon ng ERC.
Orihinal na humihingi ang Meralco ng P532 bilyong revenue requirement para sa apat na taon, ngunit tinapyasan ito ng ERC nang 36% tungo sa P342 bilyon.
“We trimmed capital projects that were not yet justified, disallowed excessive operating costs and bad debt provisions, removed contingencies and duplicated assets from the asset base, and used a lower return on capital than what Meralco proposed,” ERC Chairperson Francis Juan said in a statement,” ayon kay Francis Juan, ERC Chairperson
Sa isang pahayag noong Sabado, Oktubre 10, sinabi ng Meralco sa pamamagitan ng head of regulatory management nito na si Jose Ronald Valles na sinusuri pa nila ang buong desisyon ngunit naniniwalang makatutulong ito sa modernisasyon ng kanilang network at pagpapahusay ng serbisyo tulad ng advanced metering infrastructure at cybersecurity.
Isinabay ang pag-apruba sa taas-singil sa pag-akyat ng inflation rate sa 7.2% noong Setyembre, panahong pinalala na ng patuloy na pagmamahal ng pagkain, pamasahe, at iba pang araw-araw na gastusin.
Naganap din ang desisyon ng ERC ilang araw matapos kompletuhin ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), sa pamumuno ni Manuel V. Pangilinan, ang P12.4-bilyong pagbili ng karagdagang shares sa Meralco mula sa San Miguel Global Power noong Huwebes, Oktubre 8, na nagtaas ng stake ng MPIC sa 49.4%.
Noong Biyernes, Oktubre 9, ang araw na inaprubahan ng regulators ang rate reset, umakyat ng 5.3% ang shares ng Meralco sa market tungong P437.
Nagsisilbing malaking pagsubok ang hakbang na ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, kung saan hayagan niyang hinimok ang mga mambabatas at ahensya na pababain ang presyo ng kuryente at tanggalin ang system loss charges.
Ilan sa mga pangunahing usapin ukol dito ang tahasang pagtutol ng industriya, kung saan binalaan noon ni Pangilinan ang pamahalaan na maaaring “hindi makaligtas” ang industriya ng kuryente kung ang mga kumpanya mismo ang papipiliting sumalo sa gastos ng system loss.
Bukod dito, nananatiling limitado ang pag-unlad sa usapin dahil bagama’t tinanggal na ang 12% value-added tax (VAT) sa mga pinapayagang system loss charge simula sa billing ng Oktubre, ang mismong batayang singil ay firmly pa ring nakapatong sa mga bill ng mga consumer.
Dahil sa patuloy pa lamang na pagbabalangkas ng mga plano para sa pagbawas ng system loss, inaasahang patuloy na babayaran ng mga consumer ang naturang singil sa mga susunod na taon—kasabay ng mas mataas na distribution rate ng Meralco.
