Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa noong Huwebes, Oktubre 8, ang Senate Bill No. 2424 o ang Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act, na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng social media at iba pang high-risk digital services sa lahat ng indibidwal na wala pang 18 taong gulang.
Pumasa ang panukala sa botong 16-1 sa gitna ng lumalaking pangamba hinggil sa cyberbullying, online sexual exploitation, marahas na nilalaman, grooming, at mga adiktibong algorithm sa internet.
Kung ganap na magiging batas, ang edad na 18 pababa ang itinuturing na pinakamalawak at pinakamahigpit na age threshold sa buong mundo pagdating sa paghihigpit sa social media.
Mula sa orihinal na panukalang edad 16, itinaas ng Senado ang pamantayan kasunod nga nitong mga nakaraang insidente ng karahasan at school shootings na kinakasangkutan ng mga bagets sa bansa.
Sa kabila ng layunin ng batas, pinalulutang ng ilang eksperto at kritiko ang usapin sa pagiging epektibo ng pangkalahatang pagbabawal (blanket ban).
Batay sa karanasan ng Australia—na nagpatupad ng minimum age restriction na 16 taong gulang noong Disyembre 2025—bumaba lamang nang bahagya ang paggamit ng social media sa mga kabataan mula 85.9% tungo sa 81.5% pagkaraan ng tatlong buwan.
Ayon sa ulat ng CNA Talking Point, madaling naipapalusot ng mga kabataan ang age-verification technology sa pamamagitan ng paglikha ng bagong account, paggamit ng ibang kagamitan, o paghingi ng tulong sa mga nakatatanda.
Binigyang-diin din ng mga safety advocates, tulad ng Briton na si Ian Russell—na nawalan ng 14-taong-gulang na anak dahil sa nakapinsalang online content—na hindi nasusugpo ng pagbabawal sa mga bata ang mismong ugat ng panganib.
Ayon sa kaniya, dapat panagutin ng gobyerno ang mga kumpanya ng teknolohiya sa mga addictive feature nito tulad ng infinite scrolling, autoplay, at mga algorithm na nagtataguyod ng mapanganib na content.
Iisang senador lamang ang bumoto laban sa panukala—si Senador Risa Hontiveros. Ayon sa kaniya, bagaman ang edad 18 ang legal na pamantayan ng pagiging adult, hindi ito nangangahulugang pareho ang antas ng pag-unlad ng isip (developmental threshold) ng isang 13-taong-gulang at isang 17-taong-gulang.
Inilahad din ni Hontiveros na ginagarantiyahan ng UN Convention on the Rights of the Child ang pagkilala sa lumalawak na kapasidad ng mga bata habang sila ay nagkakaedad.
Bukod dito, malaki ang epekto ng pangkalahatang pagbabawal sa kabuhayan at komunikasyon ng mga kabataan na kasalukuyang gumagamit ng social media para sa online selling, content creation, pakikipag-ugnayan sa mga magulang na OFW, at pag-uulat ng pang-aabuso.
Binigyang-diin din niya ang partisipasyon sa lipunan, kung saan sa edad na 15 ay maaari nang bumoto ang mga Pilipino sa Sangguniang Kabataan (SK) at legal na magtrabaho, kaya’t ang blanket ban ay maglilimita sa kanilang karapatan sa malayang pagpapahayag at pakikilahok sa pampublikong diskurso.
Ayon kay Pasig Representative Roman Romulo, sponsor ng HB 11566, kailangan ng malinaw na hangganan para sa mas batang edad, ngunit kinakailangan ding kilalanin ang lumalaking kalayaan at kapasidad ng mga nakatatandang kabataan nang hindi isinasantabi ang kanilang kaligtasan.
Nangangamba rin ang ilang eksperto na ang pangkalahatang pagbabawal ay makahahadlang sa paglinang ng digital literacy ng mga kabataan.
Kung walang gabay habang lumalaki, maaari silang mas maging vulnerable sa mga scam, online predators, at misinformation kapag sumapit na sila sa edad na 18 at pumasok sa digital na mundo nang walang sapat na karanasan.
Nasa kamay na ngayon ng Kongreso ang pagsusuri sa magkaibang probisyon ng Senado at Kapulungan upang bumuo ng isang batas na hindi lamang magpapanatili sa mga bata na malayo sa panganib, kundi titiyak na ligtas at angkop ang kapaligirang digital para sa kanilang paglaki.
