April 29, 2024

Negosyante sinaksak ng kanyang helper, sugatan

MALUBHANG nasugatan ang 64-anyos na negosyante matapos saksakin ng kanyang house helper makaraan ang mainitang pagtatalo sa Malabon City, kamakalawa ng happon.

 Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa katawan ang biktimang si Edgardo Manggay, 64, businessman at residente ng 1st Street, Barangay Tañong.

Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na kinilala bilang si Jazel Casin, 22 ng Block 16, Lot 5, 4th Street, Barangay Tañong.

 Sa report nina PSSg Jeric Tindugan at PSSg Michael Oben kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, dakong alas-3:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.

Sa pahayag sa pulisya ng mga tanod ng Brgy. Tañong na sina Mario Dela Cruz at Romeo Bayles, habang naka-duty sila nang makita nila ang biktima na naglalakad mula sa kanyang bahay na may mga saksak at pumara ng pampasaherong tricycle kaya’t nilapitan nila ito.

 Nalaman nila na sinaksak ang biktima ng kanyang helper na naging dahilan upang agad na isinugod sa nasabing pagamutan habang rumesponde naman ang mga tanod sa bahay ng negosyante kung saan nakita nila ang suspek na may mga dugo ang kamay kaya’t inaresto nila ito.

          Sa kanilang pag-imbestiga, napag-alaman ng pulisya mula sa mga kapitbahay ng negosyante na madalas umanong nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek dahil sa hindi pagkakaunawaan.