Pinangunahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pamamahagi ng bigas sa mga benepisyaryo para sa third phase ng rice distribution program ng lungsod. Isinagawa ang aktibidad sa ginanap na "Handog ng Pangulo" noong Lunes, Setyembre 14, 2026, kaugnay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (Kuha ni ART TORRES)
Mahigit 50 national at local services ng pamahalaan ang inilapit sa mga residente ng San Juan City noong Lunes, Setyembre 14, kaugnay ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng programang “Handog ng Pangulo.”
Pinangunahan ni Mayor Francis Zamora at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon P. Aliling ang nasabing aktibidad.
Naging pangunahing tampok sa programa ang pamamahagi ng financial aid at pangkabuhayan, kung saan 2,000 residente ang nakatanggap ng P2,000 financial assistance, habang 3,412 senior citizens naman ang pormal na nakuha ang kanilang social pension.
Bukod dito, 1,000 benepisyaryo ang nabigyan ng libreng bigas sa ilalim ng rice distribution program ng lungsod, bukod pa sa mga residenteng nakabili ng murang bigas sa halagang P20 bawat kilo.
Nagkaloob din ng malawak na serbisyong pangkalusugan ang pamahalaang lungsod kabilang ang libreng medical at dental consultation, libreng gamot, X-ray, childhood immunization, flu, pneumonia, at HPV vaccinations, HIV counseling, PAP smear, cervical cancer screening, at PhilHealth registration.
Kasabay nito, nagbukas din ng mga helpdesk para sa job registration, skills training, libreng massage, legal consultation, police clearance, civil registry, business at building permit applications, pati na rin ang property registration.
Nagproseso rin ang lungsod ng aplikasyon at renewal para sa PWD at Solo Parent IDs, Right To Care Cards, anti-drug referral, at City Complaint Desk assistance. Hindi rin naisantabi ang mga alagang hayop matapos mag-alok ang veterinary office ng libreng kapon (spay and neuter), anti-rabies vaccination, at microchipping.
