Ligtas na na-rescue ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) SWAT ang isang 52-anyos na babae habang naaresto naman ang armadong suspek matapos ang isang oras na hostage standoff sa Barangay Barangka Drive, Mandaluyong City, Miyerkules ng umaga, Setyembre 16.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Ed”, 43-anyos, na kakaharapin ang mga kasong Serious Illegal Detention at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 (Illegal Possession of Deadly Weapon).
Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police Station, nakatanggap ng tawag ang pulisya dakong 9:30 ng umaga mula sa apartment building manager hinggil sa nagaganap na pang-hohostage sa ikalawang palapag ng isang gusali sa E. Pantaleon Street.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Substation 4, SWAT Team, Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU), at Criminal Investigation Unit (CIU).
Lumabas sa imbestigasyon na bago lang nakakalabas ng kulungan ang suspek at umano’y gustong bumalik sa bilangguan. Nabatid ding walang anumang relasyon o kakilala ang suspek sa kanyang naging biktima.
Sa gitna ng negosasyon kung saan humihiling ang suspek na makaharap ang media, mabilis na nakapasok ang mga miyembro ng SWAT Team sa silid at matagumpay na pinaligpit ang suspek. Nakuha mula sa kanya ang isang balisong na ginamit sa pananakot.
Dinala ang biktima at ang suspek sa Mandaluyong City Medical Center upang suriin at lapatan ng kaukulang lunas.
Pinuri naman ni EPD District Director Police Brigadier General Roman C. Arugay ang mabilis at maayos na aksyon ng kanyang mga tauhan na nagresulta sa ligtas na pagkareskyp sa biktima nang walang nasaktan.
“The successful resolution of this incident reflects the readiness and competence of our personnel in handling high-risk situations while prioritizing the preservation of life,” pahayag ni PBGEN Arugay.
