Sa kauna-unahang pagkakataon, personal na humarap si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng courtroom ng International Criminal Court (ICC) noong Miyerkules, Setyembre 16, habang pinamamadali ng mga hukom ang prosecutors na bawasan ang kanilang mga saksi at ilatag nang mas maikli ang kaso upang hindi mabimbin ang paglilitis.
Dumalo ang 81-anyos na dating pangulo sa ikatlong status conference ng ICC Trial Chamber III sa The Hague. Naka-suot ito ng madilim na suit at puting kamisa, at hindi nagsalita sa buong pagdinig. Ito ang kanyang unang pampublikong pagpapakita mula noong Marso 2025.
“This is the first time that Mr. Duterte has been in this court,” pahayag ni Presiding Judge Joanna Korner sa pagsisimula ng pagdinig.
Ang personal na pagharap ay malaking pagbabago mula sa kanyang initial appearance noong Marso 14, 2025 na ginawa lamang sa pamamagitan ng video link mula sa ICC detention center, bago siya pinapayagang lumiban sa mga sumunod na pagdinig. Naitakda ang simula ng kanyang paglilitis sa Nobyembre 30 matapos kumpirmahin ng ICC noong Abril ang tatlong counts ng crimes against humanity laban sa kanya.
Pangunahing tinutukan sa status conference ang haba ng oras na kakailanganin ng prosecution. Hinihingi ng mga taga-usig ang 193 oras para sa pagsusuri ng kanilang mga saksi—hindi pa kabilang ang oras para sa cross-examination ng depensa at pagtatanong ng mga abogado ng mga biktima.
Nagpahayag ng pagkabahala si Judge Korner ukol dito, lalo’t batay sa mga medical report ay may limitasyon ang oras na maaaring magpulong ang hukuman dahil sa kalusugan ng akusado.
“We are very anxious that this prosecution case concludes as swiftly as is possible in the circumstances,” ani Korner, habang hinimok ang prosecution na bawasan ang mga saksing ipatatawag, partikular ang mga ekspertong nag-uulit lamang ng mga paksa.
Pumayag naman ang prosecution na muling suriin ang kanilang listahan upang mapaikli ang kaso.
Kinuwestiyon din ng Chamber ang listahan ng ebidensya ng prosecution na kasalukuyang naglalaman ng humigit-kumulang 15,000 items, na inilarawan ni Korner bilang “massive.”
Paliwanag ng prosecution, malaking bahagi nito ay mula sa mga rekord ng pamahalaan at Philippine National Police (PNP) hinggil sa mga namatay sa kampanya laban sa iligal na droga, na nagtatala sa humigit-kumulang 3,422 na pagkasawi ng mga suspek sa mga operasyon ng pulisya sa buong bansa sa sakop na panahon.
