Nagkaisa sa opinyon ang tatlong nagretirong Chief Justice na ang dalawang-katlong (2/3) boto na kailangan upang makapagpataw ng hatol na guilty sa isang impeachable official ay nagbabago batay sa bilang ng mga kwalipikadong senador, habang ang isang dating Associate Justice naman ay nanindigang mananatili ito sa pinal at hindi mababagong 16 na boto.
Humarap bilang amici curiae nitong Miyerkules, Setyembre 16, ang mga retiradong mahistrado sa gitna ng usapin kaugnay ng impeachment trial.
Ayon sa legal memorandum ni dating Chief Justice Hilario Davide Jr., na binasa ni Senate Secretary Renato Bantug habang nagpapagaling ang una sa isang medikal na pamamaraan, dapat ibatay ang denominator o kabuuang bilang sa mga senador na tunay na kwalipikadong bumoto.
Inihayag ni Davide na ang mga senador na nakakulong, nasa ibang bansa, nakasuspendi, o hindi matukoy ang kinaroroonan ay hindi dapat isama sa pariralang “all the Members of the Senate.”
Pumabor din dito si dating Chief Justice Artemio Panganiban at kinuwestiyon ang pagtrato sa 16-vote requirement bilang isang tiyak o nakatakdang mathematical formula.
“Constitutional interpretation cannot always stop at abstract Mathematics,” giit ni Panganiban, habang binigyang-diin na kailangang isaalang-alang ang intensyon ng Saligang Batas at ang aktibong partisipasyon ng mga senador sa paglilitis.
Idinagdag naman ni dating Chief Justice Reynato Puno na kung nakapako sa 16 ang kinakailangang boto, dapat ay direkta na itong isinulat sa Konstitusyon.
“Article XI, Section 3 (6) should have simply stated that the number of votes to convict is 16, period, but it did not say so. Instead, the language used a fraction,” ani Puno.
Naiiba naman ang pananaw ni retiradong Associate Justice Adolfo Azcuna na naniniwalang absolute o hindi mababago ang dalawang-katlong threshold.
“As long as they are members of the Senate, they constitute the denominator in computing the threshold of two-thirds because all means all,” ayon kay Azcuna. Dagdag pa niya, dapat pa ring payagang bumoto batay sa konsensya ang isang senador kahit hindi ito nakadalo nang personal basta’t mababasa naman nito ang mga opisyal na transcript ng pagdinig.
Unang pinanindigan ni Senate President at Presiding Officer Chiz Escudero na 16 na boto ang kailangan para mapagtibay ang hatol batay sa buong 24-member Senate, ngunit muli itong inihain ni Senator-Judge Erwin Tulfo nitong nakaraang linggo.
Sa kasalukuyan, sina Senator Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta ay nakadetine dahil sa kasong plunder, habang si Senator Bato dela Rosa ay nagtatago dahil sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC), at si Senator Loren Legarda naman ay nasa ibang bansa para sa medical leave.
Nakatakdang magprisinta ng kani-kanilang argumento ang prosecution at defense kaugnay ng usaping ito sa Setyembre 23, kung saan magpapasya ang mga senador kung mananatili ang 16-vote ruling ni Escudero.
