Naghain ng not guilty plea si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa kinarakaharap nitong P7.44-billion plunder case sa Sandiganbayan Third Division nitong Miyerkules, Setyembre 16.
Inakusahan ang mambabatas ng pagtanggap umano ng mga kickback mula sa iba’t ibang flood control at infrastructure projects.
Nagmula sa Quezon City Jail sa Payatas ang dinaluhang arraignment ni Romualdez sa pamamagitan ng videoconference.
“He is maintaining his innocence,” pahayag ng counsel ng mambabatas na si Atty. Ade Fajardo.
Isiniwalat din ni Fajardo na maghahain ang kampo ni Romualdez ng petition for bail upang pilitin ang prosecution na ilatag ang kanilang mga ebidensya kung kinakailangan nga ba ang patuloy na pagkakadetine ng mambabatas. Nagtakda na ang korte ng pre-marking ng mga ebidensya sa Setyembre 18, 21, 22, at 23.
Paliwanag ng abogado, pinili nila ang videoconference arraignment dahil sa hindi pa tiyak na kondisyong medikal ni Romualdez at upang maiwasan ang panganib ng pisikal na paglilipat mula sa kulungan patungong Sandiganbayan.
Kasabay nito, sinabi ni Fajardo na gagamitin ng depensa ang lahat ng available legal remedies matapos tanggihan ng korte ang hirit ng mambabatas para sa hospital confinement.
Samantala, inihayag ni Sandiganbayan Third Division Chairperson Justice Karl Miranda na sa ilalim ng revised internal rules ng korte, bibigyan ng 10 araw ang akusado upang magpaliwanag kung bakit hindi ito dapat patawan ng preventive suspension.
