Nakatakdang iharap ng House Prosecution Panel si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang isa sa mga saksi sa nagpapatuloy na impeachment trial laban sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Inaasahang tetestigo si Mayor Baste sa susunod na linggo kaugnay ng Article II ng impeachment complaint, na tumututok sa mga alegasyon ng unexplained wealth laban kay VP Sara at sa asawa nitong si Atty. Mans Carpio.
Ayon kay House trial spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong, mahalaga ang magiging pahayag ng alkalde ukol sa mga transaksyon ng kumpanyang Gencorp sa pamahalaang lungsod ng Davao. Ang Gencorp ay kabilang sa mga negosyong idineklara ni VP Sara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) na iniharap sa impeachment court noong Martes, Setyembre 15.
Batay sa mga ulat, nauugnay ang Gencorp sa mga kontrata sa Davao City na nagkakahalaga ng ₱15.02 milyon mula 2022 hanggang 2025, kabilang ang food at catering services.
“Si Mayor Baste ang pinuno ng Davao City sa sakop na panahon, kaya’t mahalaga ang kanyang personal at opisyal na kaalaman ukol dito,” paliwanag ni Adiong. Nilinaw rin ng mambabatas na tatayo si Baste bilang saksi at hindi bilang akusado o respondent sa pagdinig.
Dahil sa malapit nitong ugnayan sa Bise Presidente, isinisiwalat ni Adiong na maaari nilang hilingin sa korte na ideklara si Baste bilang isang hostile witness, na magpapahintulot sa prosecution na magtanong ng mga leading question.
Nakatakdang isalang si Mayor Baste sa impeachment court sa Setyembre 23, depende sa anumang pagbabago sa iskedyul ng korte.
