Nagpaabot ng agarang tulong ang Manila Water Foundation (MWF) kasama ang mga Non-East Zone operating unit nitong Calasiao Water at North Luzon Water sa mga pamilyang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Pangasinan, kasunod ng pagdedeklara rito ng State of Calamity.
Sa pamamagitan ng programang AGAPAY: WASH in Emergencies ng MWF, kabuuang 350 galon (5-gallon containers) ng malinis na inuming tubig ang ipinamahagi sa mga evacuation center at residente sa mga bayan ng Calasiao (250 galon ng tubig), Sta. Barbara (50 galon ng tubig) at Malasiqui (50 galon ng tubig).
Bukod sa inuming tubig, naglagay din ang Calasiao Water ng dalawang static water tank (may kapasidad na 1-cubic-meter bawat isa) sa pangunahing evacuation center sa Calasiao upang matustusan ang pangangailangan ng humigit-kumulang 350 pamilya o 1,750 indibidwal na pansamantalang nanunuluyan doon.
Pinasalamatan naman ng pamahalaang lokal ang mabilis na aksyon ng Manila Water.
“Thank you, kahit hindi pa kami nag-rerequest, nandyan na agad kayo,” pahayag ni Melvie Agustin, Municipal Administrator ng Calasiao.
Ipinakita ng naturang inisyatibo ang patuloy na commitment ng Manila Water sa pagbibigay ng ligtas na tubig at mabilis na pagsaklolo sa mga komunidad na nahaharap sa krisis at kalamidad.
Nananatiling nakahanda ang kumpanya na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang tuloy-tuloy na supply ng malinis na tubig sa gitna ng panahon ng pagbangon.
