Lalo pang pinatitibay ng Manila Electric Company (Meralco) ang pamumuhunan nito sa mga makabagong teknolohiya upang mapataas ang kalidad, kaligtasan, at pagiging maaasahan ng serbisyo ng kuryente para sa mga customer nito.
Sa ginanap na Huawei Connect 2026 noong Setyembre 17 sa Shanghai, ipinresenta ni Meralco Senior Vice President at Head of Networks Engr. Froilan J. Savet ang paggamit ng Advanced Metering Infrastructure using High-Speed Power Line Carrier Communication (AMI-HPLC).
Ang naturang teknolohiya ay naglalayong palawakin ang nakikitang lebel ng datos sa kanilang low-voltage network.
Sa pamamagitan ng paggamit ng umiiral na power-line network para sa mabilis na pakikipag-ugnayan sa mga smart meter, nagbibigay ang HPLC ng napapanahong impormasyon upang tumulong sa mabilis na pagtukoy sa mga power outage at pagpapatunay sa pagbabalik ng kuryente, pagbalanse ng enerhiya at pagsubaybay sa system loss, pati na rin ang mas maayos na pagsubaybay sa transformer loading at kabuuang sitwasyon ng network.
Ang pinalawak na sistema ng datos ay magsisilbi ring pundasyon para sa hinahangad na Grid-Edge Operations and Control Center (GEOCC) ng Meralco.
Sa pamamagitan nito, pagsasamahin ang impormasyon mula sa iba’t ibang dulo ng grid upang makagawa ng mas mabilis at mas tumpak na desisyon sa operasyon.
Sa tulong ng AMI-HPLC at GEOCC, pinaghahandaan din ng Meralco ang patuloy na pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya tulad ng rooftop solar, electric vehicles (EV), at battery storage, habang patuloy na pinahuhusay ang serbisyo sa mga consumer.
