Handa ang Commission on Elections (Comelec) sa larangan ng badyet at operasyon sakaling magpalabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ang tiniyak ni Comelec Chairman George Garcia sa mga lehislador noong Lunes sa ginanap na pagdinig sa Senado para sa ipinapanukalang badyet ng ahensya.
“Ang importante po, whatever the Supreme Court will release by tomorrow, the Comelec naman po is prepared just in case,” pahayag ni Garcia.
Nagmula ang usapin matapos maghain ng petisyon sa pamamagitan ng electronic filing ang election lawyer na si Romulo Macalintal noong Linggo.
Kinuwestiyon ni Macalintal ang mabilisang pagpasa sa batas nang hindi umano nabibigyan ng pagkakataon ang publiko na masuri ang naturang lehislasyon.
Nilinaw naman ni Garcia na sakaling maglabas man ng TRO ang Korte Suprema, hindi pa rin agad maikakasa ang halalan sa orihinal na iskedyul nitong Nobyembre 2.
Ito ay dahil nagpalabas na ang komisyon ng utos na ihinto ang lahat ng gawaing may kaugnayan sa halalan bilang pagkilala sa bagong naipasang batas.
“Pero sa part po ni Comelec, pinahinto na po namin kaagad ang lahat ng aktibidad in relation to the 2026 barangay and SK election ng November 2 bilang pagkilala na may bago na po tayong batas,” ayon sa tagapangulo.
Dagdag pa niya, maaaring mangailangan ng hanggang dalawang linggo bago muling maikasa ang mga paghahanda.
Ayon sa Comelec, nasa P8 bilyon na ang naigasta sa mga paghahanda para sa BSKE, kabilang ang mga kagamitan, balota, at manpower.
Tiniyak ni Garcia na karamihan sa mga kagamitan at suplay ay maaari pa ring magamit sa mga susunod na halalan kung maitatago nang maayos sa warehouse, habang ang gastos sa manpower lamang ang posibleng masayang.
Samantala, ang anumang hindi nagamit na badyet para sa BSKE ay maaaring ilipat at gamitin sa paghahanda para sa 2028 national elections.
Para sa taong 2027, ang panukalang badyet ng Comelec sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) ay nasa P29.5 bilyon—mas mataas ng 46 porsiyento kumpara sa nakaraang alokasyon dahil sa pagpopondo sa mga paghahanda para sa halalan sa 2028.
