Inihain ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan ang House Bill No. 9470 na naglalayong gawing ganap na libre sa buwis ang lahat ng insentibo, bonus, donasyon, at reward na natatanggap ng mga pambansang atleta at kanilang mga coach—may maipanalo man silang medalya o wala.
Sa pamamagitan ng panukalang ito, nais amyendahan ang Republic Act No. 10699 (National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act) upang palawakin ang sakop ng tax exemption sa parehong pambansa at lokal na antas. Ang bill ay inihain noong Mayo 28, 2026 at kasalukuyan nang pinag-aaralan sa House Committee on Ways and Means.
Binigyang-diin ni Yamsuan na nararapat lamang na makuha nang buo ng mga atleta ang kanilang mga gantimpala dahil sa matinding sakripisyo at pagsasanay na inilalaan ng mga ito para magdala ng karangalan sa bansa.
Bukod sa mga nag-uwi ng medalya, sakop din ng panukala ang mga atletang lumaban ngunit hindi nakapasok sa podium finish, pati na rin ang kanilang mga coach.
Upang higit pang hikayatin ang suporta mula sa pribadong sektor, nakasaad din sa HB 9470 na ang mga donasyong ibinigay bago ang kompetisyon—na eksklusibong ginamit sa pagsasanay at mga kaugnay na gastusin—ay maaaring ibawas sa gross income ng mga donor.
Sa umiiral na batas (RA 10699), ang mga medalist sa Asian Games ay nakatatanggap ng cash incentives na P2 milyon para sa ginto, P1 milyon sa pilak, at P400,000 sa tanso, habang ang mga coach naman ay may katumbas na 50 porsiyento ng napanalunang insentibo ng atleta.
Iginiit ng solon na mahalagang bigyang-halaga rin ang mga atletang hindi nakasungkit ng medalya upang manatili ang kanilang motibasyon sa patuloy na pag-eensayo, habang nagbibigay din ito ng magandang oportunidad sa mga pribadong kompanya na patuloy silang suportahan.
Ang panukalang ito ay naha-highlight sa gitna ng pakikipaglaban ng Team Philippines sa 2026 Asian Games, kung saan nakapagtala na ng dalawang gintong medalya ang Olympic champion na si Carlos Yulo sa larangan ng artistic gymnastics.
