Sumabog ang panibagong tensyon sa Senado matapos ibunyag ng Philippine National Police – Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) na umabot sa 22 piraso ng iba’t ibang uri ng baril ang nakarehistro sa pangalan ni Vice President Sara Duterte.
Sa gitna ng mainit na pagdinig, iginitit ni Prosecution Counsel at Representative Ysabel Zamora ang pagsusuri sa mga ari-arian at lisensya ng Bise Presidente.
Nang hingan ng opisyal na rekord sa harap ng mga senador at imbestigador, kinumpirma ni PMAJ. Joericson Sangalang, Chief ng Records Section ng PNP-FEO, na kargado ng armado at lisensyadong mga baril si VP Sara batay sa kanilang opisyal na talaan.
Lumalabas sa pagsusuri ng PNP-FEO na kabilang sa ‘arsenal’ o koleksyon ng baril ng Bise Presidente ang 14 na Pistol, dalawang revolver, limang Rifle (kung saan 3 sa mga ito ay pasok bilang Class A Light Weapon), at isang shotgun.
Naging mainit ang palitan ng tanong sa pagdinig habang patuloy na binubusisi ng prosecution panel ang legality at mga dokumento sa likod ng napakaraming baril na hawak ng ikalawang pangulo ng bansa.
Nakatutok ngayon ang publiko sa kung ano ang magiging kasunod na hirit at depensa ng kampo ni VP Sara hinggil sa kontrobersyal na usaping ito.
