April 29, 2024

2 sa 3 holdaper nabitag sa Malabon

BAGSAK sa kulungan ang dalawa sa tatlong holdaper matapos masakote ng pulisya makaraang holdapin ang isang helper na nagpapahinga sa kanyang duyan sa ilalim ng truck sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek bilang sina Kim Bunag, 25, helper, at Ramer Trinidad, 45, driver, kapwa ng Brgy. Potrero habang pinaghahanap pa ang kanilang kasabwat na si alyas “Bong”.

 Sa imbestigasyon nina PSSg Mardelio Osting at PSSg Diego Ngippol, habang nagpapahinga sa kanyang duyan sa ilalim ng truck na nakaparada sa 11DC Compound, Industrial Road, Brgy. Potrero, ang biktimang si Marlon Balanoyos, 39 ng Tondo, Manila nang dumaan ang mga suspek dakong ala-1:45 ng madaling araw.

Hindi sila pinansin ng biktima sa pag-aakalang mga deboto ang mga ito ng Simbang Gabi subalit, bigla na lamang bumalik ang mga suspek at tinutukan ng patalim sa tiyan si Balanoyos sabay nagdeklara ng hold-up.

 Sa pangamba sa kanyang kaligtasan, hindi na pumalag ang biktima nang sapilitang kunin ng mga suspek ang kanyang P2,500 cash, cellphone na nasa P5,000 ang halaga at assorted documents.

Matapos ang insidente, tumakbo ang mga suspek patungo sa hindi matukoy na direksyon habang inireport naman ng biktima ang insidente sa mga tauhan ng Sub-Station 1 ng Malabon police.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawa sa mga suspek at nakumpiska kay Bunag ang isang patalim (balisong) habang hindi na nabawi ang mga tinangay sa biktima