April 19, 2024

Love Añover iniwan GMA Network para sa Net25

Matapos ang mahigit dalawang dekada bilang Kapuso host, nagpasya si Love Añover na lisanin ang GMA Network para lumipat sa ibang network.

Sa kanyang post, nilinaw ng dating “Unang Hirit” segment host na siya ay lilipat sa Net25, kung saan lumalabas na magkakaroon ito ng kanyang sariling show. Sa kanyang ipinoste na video, makikita na lumagda na ito ng kontrata kasama ang executives ng media organization, at sa likod nito ay mababasa ang salitang, “Love and Everythaaang,” isang catchphrase na nag-uugnay sa kanya.

Nagpapasalamat din si Añover sa mga tao at kanyang bagong network, na tinawag niyang “Netlings” at sa mga tumulong sa kanyang maayos na paglipat, gayundin sa kanyang mga dating boss sa GMA, kung saan sinabi nito na kanyang ikalawang tahanan sa loob ng 20 taon.

“Namamangha ako na walang anumang naging problema sa prosesong ito. Na kapag nagsabi ka ng mga bagay mula sa puso at naging totoo ka, maayos at maganda ang babalik sa iyo! Both sides, GMA and Net25 — wala ako’ng naging alalahanin! Hassle-free!! Napakagandang karanasan para sa akin! salamat po!” saad niya.

“Sa aking Kapuso bosses — Atty. Felipe Gozon, Sir Gilberto Duavit Jr., Marissa Flores, Nessa Valdellon and Arlene Carnay, walang hanggang pasasalamat po… Hindi lang buhay ko ang nabago ng pagkakataon na ibinigay ng GMA Network, kundi kasama po ang aking buong pamilya!” dagdag niya.

Aniya pa, na amg work opportunities ng kanyang dating network ang nagbigay daan para matulungan ang kanyang pamilya at mairaos ang kanilang buhay sa kahirapan. Binigyang pugay niya rin ang kanyang “Unang Hirit” family, na kanyang naging primary show sa nagdaang mga taon.

“Sila ang mga tao na alam kong itinalaga ng Panginoon na tulungan ako para maisakatuparan Niya ang kanyang mga plano para sa akin. Angels on Earth! Lord, salamat po!” pag-aamin ni Añover.