Pumanaw na nitong Biyernes, Oktubre 2, ang dating prime minister at pinakamatagal na nagsilbing finance chief ng bansa na si Cesar Virata sa edad na 95.
Kinumpirma ang kaniyang pagpanaw sa pamamagitan ng disclosure ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) sa Philippine Stock Exchange.
Si Virata ay nagsilbing direktor ng RCBC mula noong 1995 at naging corporate vice chairperson nito sa loob ng 26 taon.
Si Virata ang isa sa mga pinakatanyag na economic technocrats at pangunahing pigura sa ekonomiya noong rehimeng Marcos.
Nagsilbi siya bilang secretary at kalaunan ay minister of finance mula 1970 hanggang 1986, at naging prime minister din mula 1981 hanggang 1986.
Naging kinatawan din siya ng bansa sa World Bank at Asian Development Bank (ADB), at pinamunuan ang joint World Bank-IMF Development Committee mula 1976 hanggang 1980.
Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Finance (DOF) sa pagpanaw ng kanilang dating pinuno.
“Kikilalanin natin ang kaniyang serbisyo sa bansa at ipinaaabot ang ating pinakamalalim na pakikiramay sa kaniyang pamilya at mga mahal sa buhay.”
Inalala rin ni Securities and Exchange Commission (SEC) Chairperson Francis Lim ang malaking ambag ni Virata sa kapakanan ng capital markets ng bansa bilang isa sa mga incorporator ng Philippine Stock Exchange.
Pinarangalan din siya ng Management Association of the Philippines (MAP) at Foundation for Economic Freedom (FEF) bilang isang “paragon of statesmanship and management excellence for nation-building.”
Bagamat kilala sa kaniyang kahusayang teknikal, ang kaniyang pamumuno ay patuloy na nakatali sa madilim na bahagi ng Batas Militar.
Sa ilalim ng kaniyang panunungkulan bilang finance chief, lumobo ang panlabas na utang ng Pilipinas na nagdulot ng matinding krisis sa ekonomiya noong bahagi ng dekada ’80.
Nagkaroon din ng mga pagkakataong nakipagsagupaan ang kaniyang grupo sa mga proyekto ni Imelda Marcos at sa mga monopolyo ng mga kilalang kroni ng gobyerno.
Bago pumasok sa pamahalaan, naging propesor at dean si Virata sa University of the Philippines (UP) College of Business Administration mula 1960 hanggang 1967.
Isinunod sa kaniyang pangalan ang naturang kolehiyo bilang “Cesar E.A. Virata School of Business” bilang pagkilala sa kaniyang pamana.
