Larawan mula sa Quezon City Police District/Facebook
Matagumpay na nakontrol at naseguro ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang public safety nitong Linggo, Hunyo 28, sa gitna ng sabay na idinaos na dalawang malalaking pampublikong pagtitipon sa Metro Manila.
Sa pamamagitan ng masusing operational planning, malawakang deployment ng mga tauhan, at disiplinadong crowd management, napigilan ng NCRPO ang anumang banta sa seguridad.
Dahil dito, naging mapayapa ang pagdaraos ng “Love Laban” Pride Month Celebration sa University of the Philippines Diliman at ang “White Ribbon Movement” Prayer and Indignation Rally nang walang naitalang anumang untoward incident.
Upang matiyak ang seguridad, naglunsad ang NCRPO ng komprehensibong deployment strategy kung saan umabot sa 1,921 tauhan mula sa Quezon City Police District (QCPD) at Regional Headquarters ang ipinakalat sa UP Diliman upang pamahalaan ang seguridad sa lugar at isaayos ang daloy ng trapiko.
Kasabay nito, isang mas malaking puwersa na binubuo ng 9,602 tauhan ang ipinakalat para sa White Ribbon Movement rally.
BASAHIN: NCRPO, naka-full alert para sa ‘White Ribbon Movement’ rally
Ang nasabing puwersa ay nagmula sa limang distrito ng NCRPO, Regional Mobile Force Battalion, Highway Patrol Group, at mga region unit mula sa PRO3 at PRO4A, upang bantayan ang mga instalasyon ng pamahalaan at mga pangunahing kalsada para mapanatili ang ganap na kaayusan.
Ipinahayag ni NCRPO Regional Director PMGEN Anthony A. Aberin na ang tagumpay ng sabay na operasyong ito ay patunay ng kahandaan at seryosong kompromiso ng kapulisan na protektahan ang konstitusyonal na karapatan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng intelligence-driven maneuvers at maagang pag-aksyon.
Binigyang-diin ni Aberin na ang kakayahan ng NCRPO na i-secure ang mga malalaking aktibidad ay patunay na plantsado ang kanilang operational readiness sa ilalim ng pamumuno ni Philippine National Police (PNP) Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Idinagdag pa nito na hindi nila iniiwan sa tsamba ang kaligtasan ng publiko at handa silang mag-deploy ng sapat na puwersa upang manatiling naaayon sa batas at ligtas ang anumang pampublikong pagtitipon.
Ang naturang tagumpay sa seguridad ay nakaangkla sa Five-Focused Agenda ni PGEN Nartatez Jr., na nagbibigay-prayoridad sa agresibong kahandaan sa operasyon, aktibong presensya ng pulisya sa mga kalsada, at walang humpay na pagsisikap para sa isang mapayapang National Capital Region.
