Isinailalim ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang buong puwersa nito sa Full Alert Status bilang paghahanda sa gaganaping “White Ribbon Movement Prayer and Indignation Rally” ngayong Linggo, Hunyo 28.
Epektibo pa nitong alas-5:00 kahapon, Hunyo 26, ang kautusan, kung saan kabuuang 9,553 tauhan ng pulisya ang ikakalat sa iba’t ibang estratehikong lugar sa Metro Manila upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan habang pinoprotektahan ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagtitipon.
Naka-deploy na ang mga awtoridad sa mga kritikal na lugar at mga posibleng tagpuan ng mga demonstrador, kabilang ang People Power Monument at EDSA Shrine, Mendiola at Ayala Bridge, U.S. Embassy, mga pangunahing lansangan, transport routes, law enforcement checkpoints, at border control points sa buong kalakhang Maynila.
BASAHIN: Mayor Isko: Sakit sa ulo na estudyante, patatalsikin sa Maynila
Inaasahang aabot sa 10,000 kalahok ang dadalo sa aktibidad na gaganapin sa kahabaan ng White Plains Avenue sa Quezon City, mula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.
Ayon sa kasunduan, mananatili ang grupo sa itinakdang lugar at babala ng pulisya, hindi mangingimi ang batas na hulihin ang sinumang magpapasimula ng gulo o karahasan.
Ang komprehensibong planong pangseguridad ay binuo sa pakikipagtulungan ng NCRPO sa Pamahalaang Lungsod ng Quezon, mga organizers ng event, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pang emergency responders sa ilalim ng isang Memorandum of Undertaking (MOU).
Bago ang deployment, nag-iwan naman ng mahigpit na paalala si NCRPO Regional Director PMGEN Anthony A. Aberin sa lahat ng mga commander at tauhan na pairalin ang disiplina at propesyonalismo.
“Inaasahan ko ang bawat tauhan ng NCRPO na kumilos nang may disiplina, maximum tolerance, at ganap na paggalang sa karapatang pantao. Ipatutupad natin ang batas nang may katatagan, patas, at walang ekseptosyon,” pahayag ni PMGEN Aberin.
Ang malawakang paghahanda na ito ay alinsunod sa Five-Focused Agenda ni PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. na nakasentro sa maayos na pagpapatupad ng batas, pakikipagtulungan sa ibang ahensya, at pagprotekta sa mga kalayaang ginagarantiya ng Konstitusyon.
