Nagbabala si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na tuluyan nang tatanggalan ng pribilehiyong makapag-aral sa mga pamantasang pinatatakbo ng lungsod ang mga “juvenile delinquents” o mga kabataang pasaway na nasasangkot sa gulo, bullying, at pagdadala ng armas.
Sa kanyang pahayag sa Kapihan ng Samahang Plaridel, ibinahagi ng alkalde ang binuong task force na magpapatupad ng mas mahigpit na disciplinary measures sa mga pampublikong paaralan sa Maynila upang matiyak ang kaligtasan ng nakararaming estudyante.
Sa ilalim ng pinaplantsang ordinansa, ang mga estudyanteng mahuhuling nagdadala ng sandata sa loob ng kampus, mapatutunayang nambu-bully, o mapatutunayang sumasali sa mga riot at rumble sa labas ng eskwelahan ay agarang isasailalim sa expulsion proceedings.
Kapag napatunayang guilty, hindi na sila papayagang makatapak sa mga pampublikong paaralan sa Maynila at habambuhay na ring iba-ban sa pag-e-enroll sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UDM).
BASAHIN: Hustisya sigaw ng ina ng gurong nasawi sa aksidente vs anak ng Vice Mayor ng Marikina
“I believe in the right of the individual, but we also have a responsibility to the people,” giit ni Mayor Isko.
Idinagdag pa niya na hindi “anti-poor” ang hakbang na ito dahil ang layunin nito ay bigyan ng ligtas at mapayapang kapaligiran ang mga anak ng mahihirap na pamilya na nais lang mag-aral nang mabuti.
Kasabay nito, ninais din ng alkalde na amyendahan ng pambansang pamahalaan ang mga batas upang mas bigyan ng lakas at proteksyon ang mga guro na magdisiplina sa halip na sila ang laging “ipinapako sa krus” kapag nagpaparusa ng pasaway na mag-aaral.
Inituro rin ni Mayor Isko na ang unfiltered o walang-bisang pag-access ng mga menor de edad sa mga mararahas na impormasyon sa internet ang isa sa mga dahilan ng lumalalang gulo sa mga kabataan ngayon.
Dahil dito, hinamon niya ang mga higanteng tech platforms tulad ng Facebook, TikTok, at X (dating Twitter), pati na ang mga mambabatas, na magpasa ng batas para sa mandatory verification ng lahat ng digital accounts.
Paliwanag ng alkalde, dapat obligahin ang mga platform na i-konekta ang bawat account sa totoong pangalan, mukha, at valid ID ng isang tao na rehistrado rin sa kanilang SIM card.
Ayon kay Mayor Isko, kapag naging traceable at may totoong tao sa likod ng bawat profile, madaling mahahabol at mado-dokumento ng mga otoridad ang mga cyberbully, scammer, at mga grupong nag-uudyok ng karahasan sa mga kabataan.
