Alexander Cruz (Photo: May Ann Quintos Cruz/Facebook)
Humihingi ngayon ng katarungan at mabilis na pag-usad ng kaso ang pamilya ng isang 27-anyos na guro at rider na nasawi matapos mabangga ng isang SUV na umano’y minaneho ng anak ng bise alkalde ng lungsod.
Sa isang pahayag sa Facebook, nangako ang ina ng biktimang si Alexander Cruz na hindi sila titigil hangga’t hindi napapanagot ang may-sala.
“Napakasakit mawalan ng anak. Ang tanging hiling ko na lang ngayon ay magkaroon ng pangil ang batas para sa gumawa nito kay Alexander. Hindi kami titigil hangga’t hindi nakapiring ang hustisya at hindi nakasuhan ang may sala,” aniya.
Matapos ang isang linggong pagkakaratay sa ospital, binawian ng buhay si Cruz noong Hunyo 20 dahil sa malubhang pinsalang natamo sa insidente.
Ayon sa ulat ng Marikina City Police Station, naganap ang insidente noong madaling araw ng Hunyo 13, bandang alas-3:52 ng umaga.
Binabagtas ng biktima ang westbound lane ng Gen. Ordoñez Street patungong intersection ng Russet Street nang makasalubong nito ang SUV na nanggaling sa kabilang direksyon.
Kinilala ng mga awtoridad ang driver ng SUV na si David Alfre De Guzman, isang 24-anyos na estudyante at naiulat na anak ni Marikina City Vice Mayor Del De Guzman.
Nabatid sa imbestigasyon na sumalpok ang unahan ng SUV sa kanang bahagi ng motorsiklo ni Cruz habang nagmamaniobra ang sasakyan.
Sa lakas ng impact, tumalsik si Cruz sa semento habang dumiretso naman ang SUV sa bangketa at bumangga sa isang street signpost bago tuluyang huminto.
Isinugod si Cruz sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) para lapatan ng lunas ngunit kalaunan ay pumanaw din.
BASAHIN: Matapos ang Ondoy at Ulysses: Giant shoes ng Marikina, muling ibinangon sa City Hall
Kinumpirma ng pulisya na positibo sa alak si De Guzman matapos isailalim sa breath analyzer test ng Land Transportation Office (LTO).
Una nang kinasuhan si De Guzman ng reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property, gayundin ng paglabag sa Republic Act No. 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013), ngunit pansamantala itong nakalaya matapos magpiyansa.
Dahil sa pagpanaw ng guro, sinabi ng Marikina Police na magsusumite sila ng supplemental and amended reports sa City Prosecutor’s Office upang iakyat ang kaso sa reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.
Isinumite na rin ng pamilya ang death certificate ni Cruz para suportahan ang mas mabigat na reklamo.
“Kumpleto na po ang mga pangunahing dokumento. Kaya naman, ako po ay buong-pusong nananawagan at nagmamakaawa sa ating mga taga-usig at mga awtoridad,” panawagan ng ina ng biktima na humihiling din ng agarang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa suspek upang hindi ito makatakas sa batas.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang pamilya De Guzman hinggil sa insidente.
Samantala, tiniyak naman ng Marikina Police sa publiko na magiging patas at naaayon sa batas ang kanilang imbestigasyon.
“Nananatiling matatag ang Marikina City Police Station sa komitment nitong itaguyod ang pananaig ng batas, tiyakin ang pananagutan, at usigin ang katarungan nang walang kinatatakutan, kinikilingan, o pinapaboran,” pahayag ng lokal na kapulisan.
