Nagbabala ang mga eksperto sa industriya ng bakal at kaligtasan sa kalamidad na nananatiling bulnerable ang Pilipinas sa malalakas na lindol dahil sa patuloy na paglaganap ng mga substandard na bakal na gawa sa mga “induction furnace”—mga lumang makinaryang ibinasura na sa China ngunit patuloy na ginagamit sa bansa.
Sa naganap Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, Hunyo 24, binigyang-diin ni Ronald Magsaho, Chairman ng South East Asia Iron and Steel Institute, na ang kawalan ng sapat na proseso ng paglilinis sa mga induction furnace ay nagdudulot ng maruming bakal na kulang sa “ductility” o kakayahang mabaluktot at sumunod sa pag-uga ng lupa.
“Earthquakes don’t kill people, it’s the structures that do. Hindi po namamatay ang tao dahil gumalaw ang lupa; namamatay tayo dahil natatabunan tayo ng mga gumuhong gusali,” ani Magsaho.
Ibinunyag din sa forum na bagamat naaprubahan na ng Bureau of Philippine Standards ang bagong panuntunan para sa taong 2026 na nag-aatas na tanging “seismic-grade” o earthquake-resistant rebars lamang ang dapat ibenta sa merkado, hindi pa ito ganap na naipapatupad (mandated) ng Department of Trade and Industry (DTI).
Dahil dito, malayang nakakapasok at nabibili pa rin ang mga substandard at murang bakal na delikado para sa mga itatayong istruktura.
Dahil sa panganib sa buhay ng mga mamamayan, lalo na sa banta ng Magnitude 7.2 na ‘The Big One’ sa Metro Manila, nanawagan si Dr. Jesus Aranza, Chairman Emeritus ng Federation of Philippine Industries (FPI), kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuluyan nang ipagbawal ang paggamit ng induction furnaces para sa construction steel.
Inihambing ni Aranza ang isyu sa naging mabilis na aksyon ng Pangulo laban sa mga POGO.
“Kung napigil niya ang POGO na nakakamatay din ng tao sa sugal, sana ibawal na rin niya ang mga induction furnaces na ito dahil buhay ng tao ang nakataya rito kapag nagka-earthquake,” pahayag ni Aranza.
Kasabay nito, pormal na hiniling ng FPI sa Korte Suprema na magpalabas ng panuntunan kung saan tanging ang pinakamataas na korte lamang ang maaaring mag-isyu ng injunction laban sa pagpapatupad ng mga kalidad at safety standards ng bansa.
Ayon kay Aranza, madalas na ginagamit ng mga tiwaling kumpanya ang mga mababang korte upang harangin at patagalin ang pagpapatupad ng mga regulasyon sa kalidad ng mga materyales tulad ng bakal at salamin (flat glass).
Kinatigan naman ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol ang panawagan para sa mas matibay na engineering standards. Ayon sa kaniya, walang silbi ang mga quarterly earthquake drills kung marupok ang mismong gusali. “Yung ‘Duck, Cover, and Hold’ ay gagana lamang kung hindi magko-collapse ang gusali.
Proteksyon lang ito laban sa mga nahuhulog na debris. Pero kung mag-pancake collapse ang building dahil hindi sumunod sa minimum engineering standards, wala rin itong magagawa,” paliwanag ni Bacolcol.
