Nakatakdang maghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamong qualified human trafficking sa Biyernes laban kay dating Kongresista Mike Defensor, asawa nitong si Julie Rose Defensor, at ilang iba pang indibidwal na idinadawit sa isang KTV establishment sa Pasig City na sinalakay noong Abril dahil sa reklamong s3xual exploitation.
Inihayag ni NBI Director Melvin Matibag na ang reklamo ay nakabatay sa mga ebidensyang nakalap sa raid noong Abril 21 sa Chicago KTV Bar at Bleu Hotel, kabilang ang corporate records, dokumento, at ang pagkakasagip sa mahigit 50 biktima. Ang mga biktima ay pinagtrabaho umano bilang “customer care assistants” ngunit isinasailalim sa s3xual exploitation kapalit ng halagang ₱15,000.
Sa isang press briefing, ipinakita ni Matibag ang mga nakuhang ebidensya mula sa establisyimento, kabilang ang mga pregnancy test kits na ginagamit umano upang malaman kung nabuntis ang mga babaeng manggagawa, na karamihan ay mga single mothers.
Pinasubalian din ni Matibag ang depensa na walang trafficking dahil hindi pisikal na pinilit ang mga biktima. Ayon sa kaniya, saklaw rin ng human trafficking ang pagsasamantala sa kahirapan (economic vulnerability) at masamang working conditions ng mga biktima.
Ipinakita ng NBI ang corporate structure batay sa rekord ng Securities and Exchange Commission (SEC), kung saan ang Cliff Point Development Corporation ay may kaugnayan sa Pax Libera Mining na kontrolado umano ng pamilya Defensor.
Ayon sa NBI, hawak ng mag-asawang Defensor at kanilang pamilya ang mga pangunahing posisyon sa mga korporasyong ito sa ilalim ng isang “interlocking directorate” upang mapanatili ang kontrol sa pamamahala.
Binigyang-diin ng NBI chief na ang isasampang reklamo ay pormal na nakasaad sa ilalim ng Anti-Trafficking in Persons Act na sumasaklaw sa qualified trafficking, pananagutan ng mga corporate officers, at pagkakasangkot ng sindikato dahil sa rami ng biktima.
Pinabulaanan din ni Matibag na “politically motivated” ang hakbang na ito, at iginiit na pawang dokumento at ebidensya lamang ang pinagbatayan ng kawanihan. Ipinaalala rin niya na ang lahat ng akusado ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napatutunayang nagkasala sa korte.
Kasabay nito, tahasang hinamon ni NBI Director Matibag si Defensor na maghain ng kaukulang kaso laban sa kanyang asawa na si Laguna 1st District Representative Ann Matibag, kung mayroon itong solidong ebidensya ng korapsyon sa mga proyekto ng flood control.
Ito ay matapos akusahan ni Defensor noong Miyerkules ang mambabatas na si Rep. Ann Matibag na nasasangkot umano sa bilyun-bilyong pisong katiwalian sa mga flood control projects sa San Pedro, Laguna, gamit ang tinatawag na “Cabral files” o mga dokumento mula sa yumaong dating Public Works Undersecretary Maria Catalina Cabral. Isinaad ni Defensor na nagkakahalaga umano ng ₱1.2 bilyon ang inilaang pondo para rito.
“Kung mayroon siyang matibay na ebidensya, maghain siya ng kaso. Kung sa tingin nila ay naha-harass si Mike Defensor, tulad ng sabi ng abogado niya, magsampa sila ng kaso laban sa akin. Huwag nang idamay ang ibang miyembro ng NBI,” pahayag ni Matibag.
Sa pamamagitan ng isang Viber message, sumagot naman si Defensor sa naturang hamon at sinabing maghahain siya ng pormal na reklamo “sa tamang panahon” (in time).
