Panayam ni Dr. Ligaya S. Lacsina
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
TILA bumalik sa nakaraan ang naganap na ASEAN Lecture na itinampok ang mga Tradisyong Pandagat ng Rehiyon na may paksang “2000 Years of Lashed-Lug Boat Construction in Southeast Asia” sa Seminar Room 2, Albert Hall, Unibersidad ng Pilipinas (UP) School of Archaeology (itinatag 2002), UP Diliman (itinatag 1908), Lungsod Quezon, noong 25 Hunyo 2026 Huwebes.
Si Dr. Ligaya S. Lacsina ang napiling tagapanayam para sa ASEAN Lecture Series June edition. Siya ay isang maritime archaeologist na may partikular na interes sa konstruksyon ng mga sasakyang pandagat sa Timog-Silangang Asya (TSA). Ang kaniyang disertasyon noong 2016 ay nagsuri sa mga bangka ng Butuan, na unang nahukay sa Lungsod Butuan noong dekada ’70. Nakamit niya ang Master of Arts sa Arkeolohiya ng UP Diliman at Doctor of Philosophy sa Arkeolohiya mula sa Flinders University, South Australia. Dati siyang nagtrabaho sa Archaeology Division, 2004; at Maritime and Underwater Cultural Heritage Division ng Pambansang Museo ng Pilipinas (NM, itinatag 1901) bilang mananaliksik at tagapangasiwa, 2016-21.
Binigyang-diin ni Dr. Lacsina ang mga ebidensyang arkeolohikal na sumusuporta sa pagpapatuloy ng isang matagal nang tradisyon ng paggawa ng bangka sa TSA na umaabot ng mahigit isang libong taon. Habang ang mga sasakyang-dagat na ito ay may mga natatangi at kilalang teknik sa pagbuo, ang pagkakaiba sa mga rehiyonal ay sumasalamin sa mayamang pagkakaiba-iba ng mga kultura sa TSA. Ang mga pamanang pandagat ay nagpapakita ng isang natatanging katangian ng rehiyon ng ASEAN: isang pinagsasaluhang pagkakakilanlan na umuunlad kasabay ng mga natatanging kultural na pagpapahayag ng mga kasaping estado nito.

Ang ASEAN Lecture Series ay handog ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA, itinatag 1992), sa pakikipagtulungan ng UP Diliman School of Archeology sa pamamagitan ng kanilang lekturang seryeng Binalot Talks.
