Isang petisyon ang isinampa sa Supreme Court na humihiling na ideklarang unconstitutional ang Local Government Support Fund (LGSF) sa ilalim ng 2025 Bangsamoro General Appropriations Act (GAAB) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang “Petition for Certiorari and Prohibition under Rule 65” (G.R. No. E-07075) ay inihain ng petisyuner at miyembro ng Save Bangsamoro Movement na si Norhamin Manial Hadji Akmad.
Ito na ang ikalimang karagdagang petisyon na isinampa ng grupo laban sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament.
Kabilang sa mga pinangalanang respondents sina Speaker Mohammad Shuaib Yacob, Interim Chief Minister Abdulraof A. Macacua, Finance Committee Chairperson Kitem D. Kadatuan Jr., mga bise-chairperson na sina Jose I. Lorena, Naguib G. Sinarimbo, at Baintan A. Ampatuan, gayundin sina Minister Ubaida C. Pacasem at Naila Z. Dimaraw.
Sa isang panayam, inihalintulad ni Datu Tokz Bin Abdurrahman, spokesperson ng Save Bangsamoro Movement, ang LGSF sa kontrobersiyal na pork barrel sa Maynila at sa Kongreso.
Ayon kay Abdurahman, ginagamit umano ang pondo bilang “political machinery” at “political agenda” ng kasalukuyang administrasyon para sa nalalapit na eleksyon sa rehiyon.
“Kung dito sa Kongreso mapapansin ninyo na kung hindi ka ka-administrasyon ay wala kang proyekto, doon po sa BARMM region meron po kaming tinatawag na LGSF… Ginagamit po nila ito para sa nalalapit na eleksyon. Kung hindi ka kapartido, wala kang proyekto, wala kang support, wala kang financial assistance,” pahayag ni Abdurrahman.
Idinagdag pa niya na dahil sa sistemang ito, sapilitang napapasapi ang mga lokal na opisyal sa partido ng administrasyon upang hindi maipit ang kanilang mga proyekto.
Bunga nito, halos 90% ng mga Local Government Units (LGUs)—mula Mayor, Kapitan, hanggang mga konsehal—ay napilitan nang lumipat sa partido ng administrasyon, ang BFP (Bangsamoro Federalist Party) na kalaban ngayon ng UBJP (United Bangsamoro Justice Party).
Binigyang-diin ni Abdurrahman na bagamat maganda ang orihinal na adhikain ng LGSF na magbigay ng serbisyong panlipunan at imprastraktura sa mga liblib na barangay na nakakaligtaan ng National Government, nabahiran na ito ng politika dahil sa mga binagong probisyon.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas na ipinasa ng parlamento, ang Interim Chief Minister na si Abdulraof Macacua ang may direktang kontrol at nagtatakda sa pamamahagi ng pondo na nagkakahalaga ng halos P17 bilyon.
Batay sa petisyon, iginiit ng kampo ni Hadji Akmad na ang ganitong sistema ay nagbibigay ng labis na luwag o kapangyarihan (excessive executive discretion) sa paglalabas ng pampublikong pondo.
BASAHIN:Hustisya sigaw ng ina ng gurong nasawi sa aksidente vs anak ng Vice Mayor ng Marikina
Tahasan umano nitong nilalabag ang Konstitusyon ng Pilipinas at ang Bangsamoro Organic Law (BOL) dahil sa kawalan ng sapat na pananggalang at mekanismo para sa pananagutan (insufficient safeguards and accountability mechanisms).
Dahil sa matinding banta ng iregular na paggasta at pinsala sa kaban ng bayan, pormal na hiniling ng petisyuner sa Kataas-taasang Hukuman ang tatlong mahahalagang remedyo.
Una rito ang lubos na apurahang kahilingan na isailalim sa isang special raffle ang kaso upang maaksyunan agad ito ng mga hurado nang walang pagkaantala.
Ikalawa ang agarang pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO), Writ of Preliminary Injunction, o Status Quo Ante Order upang utusan ang pamahalaan ng BARMM at ang mga kumikilos sa ngalan nito na mag-“cease and desist” o ihinto muna ang pagpapatupad, paglalabas, at paggasta sa mga kinuwestiyong probisyon ng LGSF.
Panghuli ang pinal na pagpapasya na magdedeklarang walang bisa at labag sa batas ang mga naturang probisyon, kasabay ng permanenteng pagbabawal sa mga opisyal na ipatupad ang mga ito.
Nais ng grupo na maibalik ang pondo sa tamang serbisyong pampubliko sa halip na magamit lamang bilang makinarya sa darating na halalan.
