Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Sabado, Hunyo 27, para sa mas mahigpit na proteksyon ng mga kabataan laban sa karahasan at kapabayaan.
Ito ay kasunod ng sunod-sunod na madidilim na insidente sa mga paaralan na nagdulot ng pagbubuwis ng buhay ng ilang mag-aaral.
Sa kaniyang pinakabagong video message o vlog, binigyang-diin ng Pangulo na hindi lamang siya nagsasalita bilang pinuno ng bansa, kundi bilang isang ama na nag-aalala sa kaligtasan ng mga anak ng bansa.
“Ang paaralan ay dapat maging lugar ng pagkatuto, pangarap, at pag-unlad, hindi lugar kung saan nangangamba ang mga magulang para sa kaligtasan ng kanilang mga anak,” pahayag ni Marcos.
“Kailangan maprotektahan ang ating mga kabataan. Maprotektahan laban sa karahasan… laban sa kapabayaan… laban sa panganib. At maprotektahan laban sa mga tahimik na pinagdaraanan at pasaning dinadala ng marami sa kanila.”
Dahil sa mga “nakakadurog ng puso” na mga pangyayari, agad na inatasan ng Pangulo ang Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), Department of Health (DOH) at Local Government Units (LGUs) na paigtingin ang mga panuntunang pangseguridad sa buong bansa
Nanawagan din ang Pangulo sa mga magulang na maglaan ng oras at atensyon para kausapin ang kanilang mga anak, habang hinimok naman niya ang mga guro na magsilbing gabay at tagapayo sa mga estudyanteng may pinagdadaanang problema sa mental health o bullying.
Sa huli, direktang kinausap ni Marcos ang mga estudyante at ipinaalala sa kanila na hindi kahinaan ang paghingi ng tulong.
“Mahalaga ang inyong buhay, mahalaga ang inyong mga pinagdadaanan, at ang paghingi ng tulong ay hindi kailanman tanda ng kahinaan,” anang Pangulo.
