Ipatatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ride-hailing company na Grab matapos mag-viral ang isang vlog ng isa nitong Transport Network Vehicle Service (TNVS) partner na nag-aakalang legal ang pagtanggi sa mga pasahero.
Mariing ipinaalala ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na ang pagtanggi sa mga pasahero ay isang malinaw na paglabag sa mga alituntunin ng Provisional Authority at Certificate of Public Convenience (CPC).
“Ang mga ride-hailing services, katulad ng iba pang public utility vehicles (PUVs), ay sakop ng mga batas at regulasyon kung saan ang pagtanggi sa pasahero ay isang paglabag at may kaukulang parusa,” pahayag ni Chairman Mendoza.
Umaksi ang ahensya matapos makatanggap ng mga sumbong at video mula sa mga netizen na humihingi ng linaw ukol sa pahayag ng vlogger.
Sa naturang video, ibinida ng vlogger na pinapayagan umano ng Grab ang kanilang mga partner driver na mag-decline ng booking, lalo na kung hindi sila “komportable” sa destinasyon ng pasahero.
Binigyang-diin ni Mendoza na walang katotohanan ang claims ng vlogger. Ayon sa kanya, ang prangkisa ay ibinibigay ng pamahalaan para sa kapakanan at seguridad ng mga commuter, at hindi para sa kaginhawaan ng mga driver o operator.
BASAHIN: LTFRB, nag-isyu ng Show Cause Order laban sa bus company dahil sa viral counterflow sa Quezon City
“Hindi ko alam kung saan nakuha ng TNVS driver na ito ang maling ideya. Ito ay mali at mapanganib dahil kinokompromiso nito ang mga regulasyong namamahala sa mga TNVS,” dagdag ng Chairman.
Alinsunod sa gabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, magpapalabas ang LTFRB ng Show Cause Order laban sa Grab upang matukoy ang pagkakakilanlan ng TNVS vlogger at pagpaliwanagin ang kumpanya kung hinahayaan nga ba nito ang kanilang mga partner na tanggihan ang mga booking sa kanilang app.
Binalaan din ng LTFRB ang lahat ng Transport Network Companies (TNCs) na tiyaking malinaw sa kanilang mga partner-driver ang mga patakaran, partikular ang obligasyong maghatid ng ligtas, maayos, at walang-piling serbisyo sa publiko.
