TULUY-TULOY NA PAGPAPANUMBALIK NG SERBISYO NG KURYENTE. Makikita sa larawan ang mga crew ng Meralco na nagsasagawa ng power restoration activity sa Dasmariñas, Cavite noong Nob. 9, 2025 matapos ang malakas na hangin at ulan dala ng Super Typhoon Uwan.
Hindi natitinag ang mga lineman ng Manila Electric Company (Meralco) sa kabila ng malakas na ulan at hangin! Tuloy-tuloy ang kanilang operasyon para maibalik ang suplay ng kuryente sa mga lugar na binayo ni Super Typhoon Uwan (Fung-Wong).
Ayon sa pinakahuling ulat alas-10 ng umaga, bumaba na sa 197,000 customer ang nawalan ng kuryente, mula sa mahigit 400,000 kagabi.
Sa mga natitirang apektado, nasa 10,000 customer pa ang wala pa ring kuryente dahil lubog sa baha ang kanilang lugar.
Pinakatinamaan ng power outage ang Cavite, Bulacan, Quezon, at Metro Manila, habang may mga naitalang brownout din sa Rizal, Laguna, at Batangas.
“Nakatutok kami sa lagay ng panahon at inuuna namin ang kaligtasan ng aming mga tauhan at mga mamamayan,” pahayag ni Joe R. Zaldarriaga, VP at Head ng Corporate Communications ng Meralco.
Humingi rin siya ng pang-unawa sa publiko habang patuloy ang kanilang repair at clearing operations sa mga lugar na may baha at bumagsak na poste.
Mga Paalala ng Meralco sa Panahon ng Baha:
- Patayin agad ang main power switch o circuit breaker kung may tubig sa bahay.
- Siguraduhing tuyo ang kamay at paa bago humawak ng kahit anong electrical device.
- Tanggalin sa saksakan lahat ng appliances.
- Linisin muna ang putik gamit ang rubber gloves at sapatos na may goma bago maglinis ng kable o outlet.
- Huwag gamitin ang appliances na nabasa o nalubog sa baha nang hindi pa napapatingnan sa lisensyadong electrician.
Nagpaalala rin ang Meralco na panatilihing fully charged ang mga cellphone, radyo, at laptop para sa mga emergency alert at balita.
“Sa ganitong panahon, huwag basta-basta maniwala sa mga tsismis o fake news. Tiyaking tama ang pinagmulan bago ipakalat, dahil ang maling impormasyon ay nakakadagdag lang sa takot,” dagdag pa ni Zaldarriaga.
Para sa mga reklamo o ulat tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring magpadala ng mensahe sa My Meralco App, Facebook (facebook.com/meralco), o X/Twitter (@meralco). Maaari ring mag-text sa 0920-9716211 / 0917-5516211 o tumawag sa Meralco Hotline 16211. (Arnold Pajaron Jr)
