Matapos ang anunsyo ng malakas na financial performance, ipinaliwanag ngayong araw ng Government Service Insurance System (GSIS) ang mahigpit at multi-layered safeguards na sinusunod sa kanilang investment strategy, na layong tiyakin ang seguridad at responsable nitong paglago para sa pondo ng mga miyembro.
Sa isang media forum na “The Agenda” na pinangunahan ni Atty. Siegfred Mison, binigyang-diin ni GSIS President at General Manager Wick Veloso na ang discipline at principles-based process ang pundasyon ng pamamahala ng pondo.
“Mahalaga ang disiplina,” ani Veloso. “Tumatanggap tayo ng kontribusyon na 21%, ngunit kailangan nating magbayad ng pension na hanggang 90% ng average salary ng mga miyembro sa huling tatlong taon ng serbisyo. Kailangang punan ng investment strategy natin ang agwat na ito.”
Ayon kay Veloso, walang shortcut at hindi iisang tao lang ang nagdedesisyon. Bawat investment proposal ay dumadaan sa pagsusuri ng internal research office, Assets and Liabilities Committee, at Board-level Risk Oversight Committee bago maipasa sa buong Board para sa botohan.
“Ito ay isang non-negotiable na sistema ng checks and balances,” dagdag niya. “Bilang investment banker sa loob ng mahigit apat na dekada, nasanay akong sumunod sa pinakamahigpit na pamantayan at governance sa pamamahala ng pera ng iba.”
Batay sa principles of Liquidity, Safety, and Yield, nakamit ng GSIS ang kamakailang tagumpay, kabilang ang net income na P112 billion hanggang Setyembre ngayong taon at kabuuang assets na P1.92 trillion, na nagsisiguro sa fund life hanggang 2058.
“Maaaring maging kumpiyansa ang aming mga miyembro na may robust governance framework para protektahan ang kanilang pondo,” pagtatapos ni Veloso.
“Ang aming layunin ay pangasiwaan ang kanilang pera nang may pinakamataas na propesyonalismo at integridad upang matiyak ang kanilang pension pagdating ng panahon ng kanilang pagreretiro.” (Mina Paderna)
