Inanunsyo ni Senate Secretary Mark Llandro Mendoza nitong Martes na pansamantalang ilalabas ng detensyon ang government contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya para sa isang operasyon sa balikat ngayong linggo o sa susunod na linggo.
Ayon kay Mendoza, inaprubahan na ng Senado ang hiling ni Discaya na sumailalim sa medical treatment matapos itong makakuha ng clearance mula sa in-house doctor ng kapulungan.
“Yung sa right shoulder niya, may surgery na gagawin sa kanya,” pagkumpirma ng opisyal.
Sa ilalim ng itinakdang protocol, mananatili si Discaya sa ospital ng pitong araw para sa operasyon at obserbasyon.
Matapos ang isang linggong confinement, ibabalik din siya agad sa Senado upang doon na ipagpatuloy ang kanyang pagpapagaling. Tentatibong nakatakda ang procedure ngayong Huwebes, depende sa huling clearance ng mga doktor.
Tumanggi naman si Mendoza na pangalanan ang ospital na pagdadalhan sa kontratista dahil sa mga kadahilanang pang-seguridad.
Nilinaw rin niya na magiging limitado ang access sa biktima at posibleng hindi muna pahintulutan ang pagbisita ng pamilya habang nasa ospital ito.
Si Discaya ang tanging nalalabing detainee sa ilalim ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa flood control scandal, matapos itong i-cite in contempt noong nakaraang taon.
Mananatili siya sa kustodiya ng Senado hangga’t hindi natatapos ang usapin sa nasabing kontrobersya.
