Kinumpirma ng Malacañang ngayong Martes, Abril 28, 2026, na nasa ilalim na ng hurisdiksyon ng mga awtoridad sa France ang dating mambabatas na si Zaldy Co matapos itong maghain ng aplikasyon para sa political asylum.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, base sa impormasyon mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), iginiit ni Co na siya ay biktima ng “political persecution” kaya humihingi ng proteksyon sa gobyerno ng France. Dahil sa Schengen Agreement, malayang makakagalaw si Co sa loob ng nasabing area habang nakabinbin ang kanyang aplikasyon.
Diplomatikong Hakbang Dahil dito, ipinatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga envoy ng France at Czech Republic para sa isang pulong ngayong Miyerkules, Abril 29.
Layunin ng pagpupulong na talakayin ang mga hakbang upang maibalik sa bansa ang dating chairman ng House Appropriations Committee upang harapin ang mga kasong graft at malversation.
Matatandaang umalis si Co ng bansa noong Hulyo 2025 para sa umano’y medical checkup sa Amerika ngunit hindi na bumalik.
Sa kanyang mga inilabas na video, itinanggi niya ang pagkakasangkot sa flood control scam at pinaratangan pa ang Pangulo na siya ang nasa likod ng korapsyon.
