Patay ang isang 71-anyos na lolo na kinilalang si alyas Domingo matapos siyang mabundol ng isang Isuzu Elf Freezer Van sa harap ng isang dental hospital sa kahabaan ng Felix Avenue, Brgy. San Isidro, Cainta, Rizal kahapon.
Sa pamamagitan ng CCTV footage, nakita ang pagtawid ng biktima sa kalsada nang bigla siyang mahagip ng van na minamaneho ng 27-anyos na si alyas Raffy na patungo sanang Junction.
Dahil sa lakas ng impact, agad na binawian ng buhay ang biktima.
Agad namang inaresto ng Cainta Police Station ang drayber ng van at kasalukuyan nang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa pamamagitan ng inquest proceedings.
