Pormal nang inaprubahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagsasagawa ng audit probe sa tax records ni Vice President Sara Duterte, sa asawa nitong si Atty. Mans Carpio, at sa siyam na negosyong iniuugnay sa mag-asawa nitong Martes, Abril 28.
Ayon sa pahayag ng BIR, nagpasya ang ahensya na mag-isyu ng Letters of Authority matapos makakita ng “probable cause” para suriin ang kanilang mga dokumento. Ang desisyon ay base sa mga third-party data tulad ng Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente at mga ulat mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Disparidad sa Yaman Sa gitna ng impeachment proceedings sa Kamara, lumabas ang malaking pagkakaiba sa yaman ng pangalawang pangulo. Sa loob ng 20 taon, umabot sa P6.7 bilyon ang bank transactions ni VP Sara, samantalang ang pinakamataas niyang idineklarang net worth ay nasa P88 milyon lamang. Ang kanyang idineklarang cash ay pumalo lamang sa P6.3 milyon at sa ibang taon ay nag-zero pa ito.
Pahayag ng BIR Binigyang-diin ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na ang hakbang na ito ay bahagi ng “Run After Tax Evaders” (RATE) program. “Ito ay hindi pa konklusyon ng pagkakasala, kundi isang mahalagang hakbang upang matukoy ang tamang buwis na dapat bayaran. Ang pananagutan ay nagsisimula sa pantay na aplikasyon ng batas,” ani Mendoza.
Mga Negosyong Isasailalim sa Audit: Narito ang siyam na kumpanyang kasama sa imbestigasyon ng BIR:
- Carpio Lawyers (dating Carpio & Duterte Lawyers)
- Zelta Matiem Salon
- City Hall King Chow Foods Corporation
- Davao Bounty Times Foods Corporation
- Madayaw Fisheries Inc.
- Davao Emerging Taipans Corporation
- Amianan Shores, Inc.
- Cale88 Foods Corporation
- Geometry Security and Investigation Agency, Inc.
Ang audit na ito ay kasunod ng naging debate sa Kamara kung lalabagin ba ang National Internal Revenue Code sa pagbubukas ng tax records ng mag-asawa nang walang pahintulot ng taxpayer, ngunit sa pagkakataong ito, ang mismong BIR na ang gagamit ng kanilang kapangyarihan upang simulan ang imbestigasyon.
