Sa gitna ng mainit na botohan sa Kamara nitong Lunes, Dis. 1, ang pinaka-maalab na depensa para kay Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ay hindi nanggaling sa kapwa Caviteño, kundi mula sa karatig-probinsya na si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste.
Si Leviste ang isa sa limang mambabatas lamang na hayagang tumutol sa rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges na suspindihin si Barzaga ng 60 araw na may sweldo dahil sa umano’y “disorderly conduct” at mga kontrobersyal niyang pahayag sa social media.
Natalo man ang panig nila—mahigit 249 kongresista ang bumoto pabor sa suspensyon—hindi napigilan ni Leviste na ipahayag ang matinding disgusto sa naging desisyon ng Kamara laban sa tinaguriang “congressmeow.”
Mariing iginiit ni Leviste, 32, na mabilis at kuwestyonable ang pag-usad ng kaso ni Barzaga, lalo pa’t ngayong hapon lang aniya natanggap ng mga miyembro ang committee report bago ang botohan.
“Ang boto ko ay ‘no’ hindi dahil perpekto si Cong. Barzaga, pero dahil kuwestyunable na minadali natin ang desisyon,” galit na pahayag ni Leviste sa plenary.
Dagdag pa niya, hindi lamang pagmamadali ang isyu—kundi ang pagbibigay-prayoridad sa kaso ni Barzaga habang may ibang kongresista umanong kinasasangkutan ng mas mabigat na paratang na hindi man lang iniimbestigahan.
Bagama’t hindi pinangalanan, tinukoy ni Leviste ang isang kapwa niya Batangueño na sinasabing iniuugnay sa isyu ng umano’y P100 bilyong anomalya sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Hindi ba nakakahiya maging miyembro ng Kongreso? Para bang normal na lang na may kasamahan tayong inakusahan ng pagkakasangkot sa bilyon-bilyong kontrata, pero hindi man lang iniimbestigahan,” mariing tanong ni Leviste.
Giit niya, malinaw sa kasaysayan na habang may malalaking alegasyon ng korapsyon, ay kaso ni Barzaga ang inuna ng Kamara.
“Mahiya naman tayo,” dagdag pa niya.
Ayon sa Ethics Committee na pinamumunuan ni 4Ps Rep. JC Abalos, napatunayan umano na si Barzaga ay nagpakita ng “behavior unbecoming of a House member.”
Noong Oktubre, nang tanungin tungkol kay Barzaga, sinabi ni Leviste na “hanga” siya sa batang mambabatas at naniniwala siyang kailangan ng mas maraming independent voices sa Kongreso.
Sa kabila ng suspensyon, malinaw sa naging talumpati ni Leviste na ang tunay na isyung kanyang kinakalampag ay selective accountability sa loob ng Kamara—at ang patuloy na pagkapinsala sa integridad ng institusyon. (Mina Paderna)
