Naghain ng mga reklamong administratibo at kriminal sa Office of the Ombudsman si Dr. Leilani Lacuna, kapatid ng dating alkalde na si Honey Lacuna, laban kay dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Vice Mayor John “Chi” Atienza, at 13 pang opisyal ng Lungsod ng Maynila.
Inakusahan ni Lacuna ang mga opisyal ng graft at usurpation of authority kaugnay ng umano’y iligal na pagpapatalsik sa kanya bilang presidente ng Liga ng mga Barangay – Manila Chapter at bilang ex-officio member ng Sangguniang Panlungsod.
Nitong Martes ng umaga, pormal na inihain ni Lacuna ang mga reklamo, na naglalaman ng alegasyon ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Article 177 ng Revised Penal Code.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, iginiit ni Lacuna na nagkaroon ng sunod-sunod at pinagplanuhang hakbang upang paalisin siya sa posisyon.
Kabilang dito ang umano’y paggamit ng kanyang Approved Travel Authority upang palabasin na iniwan niya ang kanyang tungkulin para sa personal na biyahe; pagkuwestiyon ng Manila City Council sa kanyang honesty at performance; at isang pulong kasama si Atienza, kung saan ipinaparatang niyang pinilit siyang magbitiw sa tungkulin.
Ayon kay Lacuna, ang mga hakbang na ito ay naglalayong magpatupad ng political vendetta at pagtatatag umano ng “kontrol” sa mga pondo ng barangay sa Maynila.
“Domagoso and his cohorts targeted the barangay captains using intimidation and various forms of harassment to remove me from office. Domagoso and his accomplices will be held accountable under the law for their blatant violation of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act and for the criminal usurpation of authority,” pahayag ni Lacuna.
Nabanggit din ni Lacuna na una na niyang idinulog, kasama ang limang iba pang barangay chairpersons, sa Manila Regional Trial Court ang isang petisyon upang ipawalang-bisa ang kanilang pagtanggal bilang mga opisyal ng Liga ng mga Barangay.
Sinubukan kunin ng Agila ng Bayan ang pahayag ni Domagoso hinggil sa reklamo, subalit wala pa itong tugon sa oras ng paglalathala. (Mina Paderna)
