Isa tayo sa natutuwa sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa kanilang hakbang na magsampa ng kaso laban sa ilang kongresistang tinaguriang “cong-tractors”, na maliwanag na sinasamantala ang kanilang posisyon para sa personal na kapakinabangan sa pamamagitan ng mga kontrata ng gobyerno.
Ngunit ito ay simula pa lamang. Ang publiko ay nararapat na makakita ng hustisya na patas, malalim, at walang kinikilingan sa lahat ng aksyon ng ICI.
Dapat mas palalimin pa ng ICI ang imbestigasyon upang tiyaking pantay ang pananagutan sa lahat ng “cong-tractors.” Tumpak!
May mga ulat kasi mga ka-Berdugo na nagsasabing maraming kasalukuyan at dating mambabatas, kasama ang kanilang pamilya at kaalyado, ang nagmamay-ari ng mga kumpanyang nakikinabang sa mga proyekto ng gobyerno.
Kung may ebidensiya, nararapat silang sumailalim sa parehong scrutiny at kasuhan sa plunder, graft, at paglabag sa Konstitusyon at Anti-Graft Law.
Ang korapsyon sa imprastruktura ay hindi lamang isyu ng iilang indibidwal; ito ay sistemiko, nagastos ang mamamayang Pilipino ng bilyon-bilyong piso sa mga proyektong substandard o phantom, at nanganganib ang buhay ng marami.
Ang ganitong malawakang pang-aabuso ay dapat wakasan, anuman ang partido o posisyon ng sangkot.
Dapat ipakita ng ICI na walang sinuman ang makakalusot. Anong sey ninyo, mga ka-Berdugo?
Ayon pa sa mga bubwit ng Berdugo, kung ang ebidensiya mula sa corporate filings at kontrata ay mag-uugnay sa kasalukuyan o dating senador o kinatawan ng Kongreso na sangkot sa government contracts, dapat din silang i-refer para sa plunder at graft.
Ito ang kritikal na hakbang para talagang wakasan ang “cong-tractor” culture sa bansa. Ang praktis ng mga mambabatas bilang kontraktor ng gobyerno ay malinaw at labag sa Konstitusyon.
Naku ha!
Dapat tapos na ang panahon ng pandaraya sa pondo ng bayan.
Dapat gamitin ng ICI ang lahat ng legal na paraan upang matiyak na bawat mambabatas na nagkompromiso ng tiwala ng publiko ay mananagot sa batas at administratibo. Ang transparency sa buong proseso ay di-negotiable.
Karapat-dapat ang mga Pilipino na makita ang hustisya hindi lamang sa teorya kundi sa aktwal na aksyon. Kung pipiliin lamang ng ICI na papanagutin ang ilang “cong-tractors” habang palalampasin ang marami, bigo ito sa publiko at mawawala ang tiwala.
Sa madaling sabi mga ka-Berdugo, dapat makasuhan lahat ng malalaking isda, hindi yung walo lang na butete at sapsap. Hustisya para sa lahat, hindi piling-pili.
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
